Home NATIONWIDE Digong ayaw madamay sa kaso ni Quiboloy

Digong ayaw madamay sa kaso ni Quiboloy

MANILA, Philippines- Itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ng gabi na tinutulungan niya si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na magtago mula sa mga awtoridad.

Sa late-night press conference sa Davao City, hinamon ni Duterte ang sinuman na magtungo sa kanyang bahay at hanapin si Quiboloy, na nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang human trafficking.

“Ibuhos ko na lang ang pera ko kung makita niyo si Quiboloy sa bahay ko,” giit niya.

“Sabihin mo kay Pastor, ‘Pastor, ikaw naman ang wanted. Huwag mo akong damayin dito’,” dagdag ni Duterte.

Pinayuhan din ng dating Pangulo si Quiboloy, na matalik niyang kaibigan, na manatiling nagtatago dahil naniniwala umano siyang hindi mabibigyan ang pastor ng “fair deal” sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“As a lawyer, I would say that you can go to court and fix your case and and post bail bond. That could be an option. But if you do not think that you will get the fair deal with this administration, talking about Marcos and everything, eh di ‘wag ka lumabas d’yan sa Tamayong,” ani Duterte, na tinutukoy ang Tamayong Prayer Garden, na itinayo ni Quiboloy.

“Nand’yan lang ‘yan sa Tamayong. Malaki lang ang Tamayong,” dagdag niya.

Ipinahiwatig ni Duterte, dating prosecutor, na mahihirapan ang mga awtoridad na matunton si Quiboloy sa Tamayong dahil kailangan umano ng mga ito ng hiwalay na search warrants para sa kada isang bahay sa lugar.

“Ang Tamayong, malaki ‘yan. Sa loob maraming bahay. Make sure na sa isang bahay nand’yan s’ya because for every bahay, it should be a different search,” anang dating Punong Ehekutibo.

“Ngayon, tanungin niyo ako saan si Pastor? Gusto niyo malaman talaga? Ewan ko… I must profess my ignorance,” giit niya.

Nang tanungin ukol sa posibilidad ng pagsuko ni Quiboloy sa kanya, inihayag ng dating presidente, “Hindi ko siya tatanggapin. Hindi ako ang authority. Hindi ako ang nagdadala ng warrant.” RNT/SA