MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Ronald Dela Rosa na dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sa war on drugs na kapwa nila inilunsad noong 2016.
Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nanguna sa war on drugs sa kinumpirma ni Duterte ang pagdalo sa pagdinig sa Oktubre 28, 2024.
“Yes confirmed,” ayon kay Dela Rosa sa interview.
Inihayag ito ni Dela Rosa matapos siyang mag-post nitong Biyernes ng litrato sa Facebook kasama si Duterte, kanyang partner na si Honeylet Avanceña, at dating speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Dela Rosa, mahigpit na kaalyado ng dating Pangulo ang nagbigay ng katiyakan si Duterte sa pagdalo sa gagawing imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
“The former President told me that he is going to attend the Senate hearing regardless of who is presiding,” ayon naman kay Dela Rosa sa Viber message.
Naunang inihayag ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na nagdadalawang-isip pa ito kung papadaluhin si Duterte.
Hiniling nina Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go na paimbestigahan ng Senado ang war on drug matapos siyang kapwa idawit sa reward system sa ginanap na katulad na imbestigasyon ng House Quad Committee (QuadComm).
Kapwa pinabulaanan nina Dela Rosa at Go ang akusasyon sa Kamara na sila ang nagbibigay ng pondo sa pabuyang ibinibigay sa sinumang pulis na makakapatay ng isang indibidwal na sangkot sa droga.
Bukod kay Duterte, imbitado din sa pagdinig sina retired Police Colonel Royina Garma, dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, dating Senator Leila de Lima, Kerwin Espinosa, at pamilya ng biktima ng drug war victims.
Kailangan pabilisin ng Senado ang imbestigasyon dahil nakatakdang simulan ang debate sa plenaryo ng pambansang badyet sa 2025 sa Nobyembre 4.
Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bibigyan ng kaukulang kortusiya si Duterte kapag dumalo ito sa imbestigasyon ng blue ribbon committee sa kanyang war on drugs. Ernie Reyes