MANILA, Philippines – HINDI PIPIGILAN ng gobyerno ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte kung magdesisyon ito na sumuko sa International Criminal Court (ICC) sakali’t mapatunayan na guilty sa di umano’y crimes against humanity na nagawa sa panahon ng pagpapatupad ng anti-drug campaign sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“If the former president desires to surrender himself to the jurisdiction of the ICC, the government will neither object to it nor move to block the fulfillment of his desire,” ang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang kalatas.
Nagpalabas si Bersamin ng isang kalatas matapos na si Duterte, sa House of Representatives quad committee hearing, araw ng Miyerkueles, hinamon ang ICC na simulan ang imbestigasyon sa drug war na inilunsad sa ilalim ng kanyang liderato.
Ani Duterte, handa siyang “go to prison and rot there for all time,” kung mapapatunayang guilty.
Sinabi naman ni Bersamin na handa ang gobyerno na makipagtulungan sa ICC, sa oras na piliin ng international tribunal na magpalabas ng “red notice” sa Philippine authorities sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).
“But if the ICC refers the process to the Interpol, which may then transmit a red notice to the Philippine authorities, the government will feel obliged to consider the red notice as a request to be honored, in which case the domestic law enforcement agencies shall be bound to accord full cooperation to the Interpol pursuant to established protocols,” aniya pa rin.
Ang “red notice” ay isang request sa mga law enforcement sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao na may nakabinbin na ‘extradition, pagsuko, o kahalintulad na legal na aksyon.
Gayunman, ang red notice ay hindi international arrest warrant at ‘restricted’ sa ‘law enforcement use only.’
Ang isang indibiduwal na inilagay sa red notice ay itinuturing na ‘wanted’ ng isang requesting member country o international tribunal. Kris Jose