MULING pinagkalooban ng natatanging Pahinungod Award ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) Northern Mindanao Region 10 ang Agarang Serbisyo Lady na si Dra. Hilda C. Ong bilang Media Advocate – National level nitong November 8, 2024 sa LimKetKai Luxe Hotel sa Cagayan de Oro City.
Tinanggap ni Dra. Ong mula kina PHILHEALTH Northern Mindanao Regional vice president Delio Aseron II at Merlyn Ybañez, public affairs unit head, ang isang natatanging tropeo na sumisimbolo sa pagtutulungan sa pagitan ng health insurance corporation at ng mga stakeholders para sa reyalisasyon ng misyon, bisyon, mandato, serbisyo at pangako nito na maihatid ang malawak na serbisyong pangkalusugan sa buong bansa at sa bawat Filipino.
Kinilala si Dra. Ong dahil sa kanyang pagsusulong na maipaunawa sa kanyang mga tagapakinig, tagapanood at mambabasa ang tamang kaalaman ukol sa Universal Health Care Law at mga pagkilos ng PHILHEALTH RO 10 sa hurisdiksyon nito na kinabibilangan ng Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental at mga lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro.
Si Dra. Ong ay anchor ng public service program na “Health & Travel @ Serbisyo Publiko” na napakikinggan sa DWBL 1242 kHz at sa mga social media platforms na YouTube at Facebook. Siya rin ay kolumnista ng pahayagang tabloid na “Remate, Ang D’yaryo ng Masa” sa kanyang pang-araw-araw na column na “Ang Inyong Lingkod” na kinilalang opinion column of the year ng prestihiyosong Catholic Mass Media Awards (CMMA) noong 2016.
Sa kanyang programa ay lingguhang napakikinggan ang kasagutan ng PHILHEALTH sa katanungan at karanasan ng mga miyembro partikular sa case rates, immediate eligibility, at iba pang isyu. Isinusulat din ang mga ito sa kanyang column.
Matagal nang tagapagsulong si Dra. Ong ng usaping pangkalusugan partikular sa mga bata, kababaihan at nakatatanda.
Pinasalamatan ng Agarang Serbisyo Lady ang dinamikong liderato ni RVP Aseron kaya naman sa loob ng mahigit tatlong taon ay maraming nagawang inobasyon ang regional office kaya higit na naramdaman ng mga mamamayan ang benepisyo at kanilang karapatan pagdating sa kalusugan. Binati rin niya ang malaking tulong ng Public Affairs Unit sa pamumuno ni Ybañez.
Si Dra. Ong ay kinilala rin ng PHILHEALTH 10 noong 2022 at 2023.
Kinilala rin bilang media advocates sina Teena Shotwell Clemente, Marme Lucaylucay, Nef Luczon, Lulu Medina, Menzie Montes, Uriel Quilinguing, at Melly Tenorio.
Tumanggap naman ng public service media partner award ang mga pahayagang Gold Star Daily, Mindanao Daily News, at The Monitor Mindanao Today. Kasama rin ang Bukidnon Press Club, CDO Bloggers, Inc., at ang Philippine Information Agency Northern Mindanao.
Ang Pahinungod Award ay ang taunang pagkilala ng PHILHEALTH RO 10 sa mga naging katuwang sa pagkakamit ng mga adhikain nito, nariyan ang mga UHC advocates, advocacy support, top performing employers, top remitting agencies, outstanding accredited collecting agency, outstanding self-earning individuals, at KONSULTA partners.
Isa ito sa mga pinasimulang programa ni RVP Aseron para lalong mas maging mahusay ang pagtutulungang ng PHILHEALTH RO 10 at stakeholders nito.