Home OPINION MOTIBASYON  PARA SA MGA MANLALARONG PINOY, KAILANGAN

MOTIBASYON  PARA SA MGA MANLALARONG PINOY, KAILANGAN

 NAKATUTUWA na dumarami na ang ating mga kabataan na sumasali sa iba’t-ibang klase ng palaro sa abroad. Resulta ito ng magandang impluwensya ng mga manlalarong nagdala ng maraming karangalan sa bansa tulad nina Eugene Torre (chess), former Senator Manny “Pacman” Pacquiao (boxing), Efren “Bata” Reyes (billiards), Rafael “Paeng” Nepomuceno (bowling), 1st district of Batangas Congressman Eric Buhain (swimming), Alex Eala (tennis), Hidilyn Diaz (weightlifting), Carlos Yulo (gymnastic), yumaong Lydia De Vega (track and field) at iba pa.

Isa itong pagpapatunay na may angking galing at talino ang mga Pilipino sa larangan ng sports at kitang kita naman ito sa mga nakalipas na world event.

Pero hindi naman sasapat ang galing at talino para makasali at manalo sa mga paligsahan sa abroad. Nangangailangan din kasi ito ng sapat na badyet para suportahan ang lahat ng pangangailangan ng ating mga manlalaro.

Magpahanggang ngayon, kadalasan pa ring sa sarili nilang bulsa dinudukot ang mga gastusin para sa training, accommodation, uniporme, pagkain, travel allowance at iba pa.

Mas mainam kung may karagdagang programa ang pamahalaan para lingunin ang mga maliliit na manlalaro gayundin ang mga nagsisimula pa lamang sa kanilang career pero nakapagbigay na ng karangalan sa bansa tulad ng magkapatid na sina Zianbeau Thurs at Zoji Tyro Edoc na kapwa nagwagi ng kampeonato sa kani-kanilang golf division tournament na ginanap sa Thailand kamakailan.

Nasungkit naman ng mga lumahok na batang gymnasts ang mga gold medal, silver at bronze mula sa katatapos na Australian Level Competitions of the JRC International Gymnastic Championships na ginanap din sa Thailand. Kabilang sa WAG Australian Level 2 sina Aqeela Zafrina Perez (2 golds, 1 bronze), Chelsea Lynn Hong (3 golds) at Sophia Dennise Flores (1 silver, 1 bronze). Sa level 3 naman sina Andrei De Leon (2 golds, 1 bronze), Prince Khenjie Sumabal (2 golds, 2 silvers). Nakakopo naman sa level 4 sina Ma. Elizabeth Medina (2 golds, 1 silver), Merion Antonette Domingo (1 silver) at Sascha Amara Santos (1 bronze). Nagwagi din ang nakababatang kapatid ni Olympic medalists Carlos Yulo na si Karl Jahrel Eldrew Yulo (3 golds, 2 silvers) sa MAG Junior level.

Pag-ukulan sana ng panahon ng awtoridad para mabigyan ng full support, proteksiyon, national recognition at cash rewards ang lahat ng manlalaro na nakapagbigay na ng karangalan sa ating bansa, katulad ng mga nabanggit natin sa itaas. Magsisilbi itong dagdag na motibasyon para lalo pa nilang napagwagian ang mga susunod pang-international competition.