Home NATIONWIDE Digong naghayag ng suporta para kay Quiboloy

Digong naghayag ng suporta para kay Quiboloy

MANILA, Philippines- Libo-libong mga taga-suporta at mga Pilipino ang nakiisa sa prayer rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kagabi.

Dumagundong ang sigaw ng mga nakiisa sa ika-7 araw ng ‘Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally’ na dala ang pag-asang makakamit ang tunay na Bagong Pilipinas.

Bitbit ang placards, panawagan ng mga nakiisa ang pagbagsak ng mga tiwali, korap at abusadong politiko.

Sigaw din ng mga mamamayang Pilipino na lipulin ang teroristang CPP-NPA-NDF na tinawag nilang salot sa lipunan.

Ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino at pagdagsa ng mga taga-suporta ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ ay upang ipanawagan ding matapos na ang umano’y panggigipit ng kasalukuyang administrasyon.

Dumating sa Laban Kasama ang Bayan prayer rally ang ilang mga kilalang personalidad kabilang na rito sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senators Bong Go, Robin Padilla, Ronald Bato dela Rosa gayundin si dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo at Atty. Harry Roque at aktor na si Philip Salvador.

Ayon kay Sen. Bato at Atty. Roque, ang kanilang pagdalo ay upang maipakita ng kanilang suporta kay Pastor Quiboloy na patuloy na nagsisiwalat ng mga katotohanan sa pamamagitan ng media network nito na Sonshine Media Network International (SMNI).

Sinabi naman ni Sen. Go na sila ay nakiisa at sumusuporta kay Pangulong Duterte dahil sa pagiging kaibigan nito kay Pastor Quiboloy.

Naniniwala ang mga senador na ang pagiging kaibigan mula sa magandang panahon ay patuloy na magiging kaibigan kahit sa masamang panahon kaya naman bumuhos din ang kanilang suporta sa dating Pangulo na nakikiisa sa kanyang kaibigang si Pastor Quiboloy sa kanyang kinakaharap ngayon.

Sa kanyang talumpati, binatikos ng dating Pangulo ang planong pag-amyenda sa Saligang Batas o Konstitusyon.

Binigyan-diin ni Duterte na ginagawa lamang aniyang dahilan ng mga gustong mabago ang Saligang Batas ang ilang probisyon ngunit aniya, ang totoo ay gustong puntiryahin ang “term of extension” upang ang panunungkulan ng mga Marcos bilang Pangulo ay humaba.

Ito aniya ang dahilan kaya pilit isinusulong ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Peoples Initiative.

“Basta panahon ng Marcos—pu2#$@, pinapakialaman talaga ang Constitution, pahahabain ang termino nila,” sabi ng dating Pangulo.

Sa huli, panawagan ni Duterte sa mamamayang Pilipino na huwag pumirma at huwag pumayag na palitan ang Konstitusyon.

Nakiusap din si Duterte sa sambayanan na iwasan muna na mapunta sa Malakanyang: “Pakiusap ko lang sa inyo, let the rally be peaceful in the meantime.”

“One thing I can contribute really is to avoid bloody result, hindi pa – hindi pa, darating yan- darating yan..pero darating yan”, ayon pa kay Duterte. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleFailure of election nagbabadya ‘pag di naresolba usapin sa poll contractor – solon
Next article1,085 dayuhang pugante nalambat ng BI noong 2023