Home HOME BANNER STORY Digong, Paolo, Baste tatakbong senador sa 2025 – VP Sara

Digong, Paolo, Baste tatakbong senador sa 2025 – VP Sara

MANILA, Philippines- Binabalak nina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, at Davao City Mayor Sebastian Duterte na tumakbo sa 2025 senate race, ayon kay Vice President Sara Duterte nitong Martes.

Sa panayam sa Cagayan de Oro City, kung saan nag-host ang Bise Presidente ng annual OVP Pride Reception, iniulat niya na plano ng kanyang ama at mga kapatid na kumandidato sa pagka-senador sa susunod na taon.

“Lahat silang raring na tumakbo eh—PRRD, senator. Iyong kuya ko, si Paolo Duterte,  iyong congressman ngayon, senator. Si Sebastian Duterte,” pahayag niya.

“Yes, tatlo ang Duterte next year for senator,” aniya nang hingan ng kumpirmasyon ukol dito.

Nang tanungin naman kung magbibitiw siya sa Office of the Vice President (OVP), tugon niya: “Wala. Walang ganun na usapan,” ani VP Sara.

Noong nakaraang linggo, bumaba si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). 

Bagama’t hindi siya nagbigay ng rason sa kanyang resignation mula sa Gabinete ng administrasyon, lumitaw ang posibilidad ng pagbabalik niya sa Davao City bilang local chief executive nito, habang tatakbo sa mas mataas na pwesto ang kanyang mga kapamilya. RNT/SA