Home NATIONWIDE Comelec: Embo residents ‘di makaboboto para sa House rep sa Eleksyon 2025

Comelec: Embo residents ‘di makaboboto para sa House rep sa Eleksyon 2025

MANILA, Philippines- Maaari nang bumoto sa 2025 national and local elections ang mga residente ng 10 barangay mula Makati na nalipat sa Taguig kasunod ng desisyon ng Korte Suprema subalit hindi makaboboto para sa congressional race, sinabi ng Commission on Elections nitong Martes.

Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, ito ay dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa alam ng komisyon kung saang distrito sila kabilang sa dalawang distrito ng Taguig.

“Hindi namin kayo pupuwedeng isama sa first district –hindi namin kayo pupuwedeng isama sa second district, bakit po? Walang pong kapangyarihan ang Comelec na gawin yun sapagkat ang may kapangyarihan na magsabi kung anong barangays ang kasama sa mga distrito ay nasa Kongreso”, pahayag ni Garcia.

Ayon pa kay Garcia, nang ginawa ang batas na nagsasabing may first at second district ang Taguig ay tinukoy kung ano ang mga barangay.

Wala aniya doon ang 10 barangay na galing sa Makati kaya hindi sila makaboboto para sa kanilang congressman.

“Nangyari na ‘yan, ginawa na namin sa 63 barangays sa Bangsamoro,” pahayag ng poll chief.

Nilinaw din ni Garcia na ang mga botante ng EMBO ay makaboboto pa rin sa national, mayoralty, vice mayoralty at city council candidates.

Samantala, sinabi ni Garcia na ang tatlong natitirang barangay sa Makati na kumakatawan sa second district ng lungsod ay maari pa ring bumoto kahit kaunti lamang ang botante sa distrito.

Sinabi ni Garcia na nagpasya ang Comelec na gumawa ng naturang desisyon upang bigyan ng panahon ang mga kinauukulang partido na kwestiyunin ang legalidad ng kanilang desisyon o para aksyunan ng Kongreso ang usapin. Jocelyn Tabangcura-Domenden