MANILA, Philippines- Tumugon si dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo sa mga ulat ng umano’y ipinalabas na arrest warrant laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC), kung saan sinabi niyang ginawa niya ang kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang bansa sa kasagsagan ng kanyang administrasyon.
“Sa totoo lang ang balita ko may warrant daw ako sa ICC or something. Matagal na akong hinahabol ng ptng *na,” bahagi ng talumpati ni Duterte sa Wan Chai, Hong Kong.
Nanindigan siya na layunin ng kanyang mga aksyon nang siya ay presidente pa na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Ano man ang kasalanan ko, ginawa ko ‘yun para magkaroon ng konting katahimikan at mapayapa ang buhay ng Pilipino,” dagdag niya.
Iniimbestigahan ng ICC si Duterte at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon dahil sa umano’y mga krimen na may kaugnayan sa libo-libong pagkamatay sa police anti-drug operations.
“Assuming na totoo talaga yung nairiring niyong ginawa ko. Para sa inyo at inyong mga anak sa ating bayan,” anang dating Pangulo.
Base sa government records, hindi bababa sa 6,000 drug suspects ang napatay sa police operations sa war on drugs ni Duterte. Subalit, sa pagtataya ng human rights groups, aabot umano ang bilang ng mga napaslang sa 30,000.
Nasa Hong Kong si Duterte upang dumalo sa thanksgiving event para sa overseas Filipino workers (OFWs).
Itinanggi ni dating presidential chief legal counsel Salvador Panelo ang impormasyong nagtatangkang tumakas ang dating Pangulo habang nasa ibang bansa ito.
“Fake news. FPRRD and VP Sara are here to speak before a gathering of OFWs to express their thanks for their continued support,” pahayag ni Panelo.
Hinggil naman sa kung kailan babalik ang mag-ama sa Manila, sinabi ni Panelo na, “very soon.”
Subalit, inihayag ni ICC Assistant to Counsel and the Secretary-General of the National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region Attorney Kristina Conti na hindi pa nakukumpirma ang pag-isyu ng warrant.
“Also, waiting for Karim Khan’s/ICC’s official confirmation if a warrant has been issued and already transmitted to the Philippine government,” wika ni Conti.
Samantala, inihayag ng Malacañang na handa ito sakaling magpalabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa dating Pangulo, bagama’t nilinaw ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na wala pang kumpirmasyon sa pag-isyu ng arrest warrant.
“But as what ES [Executive Secretary Lucas] Bersamin and SOJ [Secretary of Justice] said before, if Interpol will ask the necessary assistance from the government, it will provide,” wika niya.
Sinabi naman ni Solicitor General Menardo Guevarra, “We have not received any notice or communication from the ICC regarding the matter.”
“Our Department of Foreign Affairs is the official entry point for any such notice or communication as a matter of diplomatic courtesy,” patuloy niya. RNT/SA