Home NATIONWIDE Digong, walang kinalaman sa ‘sinirang ebidensya’ sa drug war — abogado

Digong, walang kinalaman sa ‘sinirang ebidensya’ sa drug war — abogado

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman ang kanyang kliyente sa umano’y pagsira ng ebidensya kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.

Ayon kay Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni Duterte sa International Criminal Court (ICC), wala umanong iniutos o ginawa ang dating pangulo hinggil sa nasabing alegasyon.

“Ang alam ko, wala pong kinalaman si G. Duterte sa pagsira ng anumang ebidensya. Krimen po ang pagsira ng ebidensya at hindi niya ito ginawa, ni sinuman sa ngalan niya,” ani Kaufman sa isang panayam.

Tumanggi siyang magdetalye ukol sa ebidensyang isinumite ng ICC Prosecutor ngunit iginiit niyang hindi kriminal si Duterte at walang basehan ang mga paratang.

Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kaya hindi na itinuloy ng gobyerno ang mga kaso laban kay Duterte ay dahil “lahat ng puwedeng burahin, binura na.”

Sa kabila nito, iniulat ng ICC na may karagdagang 1,062 piraso ng ebidensya at mahigit 100,000 dokumento — kabilang ang mga sulat, video, at testimonya — na isusumite sa kaso ni Duterte.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa The Hague, Netherlands mula noong Marso 12, matapos ang kanyang pagkakaaresto sa Pilipinas.

Nakatakdang humarap si Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I sa Setyembre 23 para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kanya. Samantala, naghain din ang kanyang legal team ng jurisdiction challenge at interim release para sa pansamantalang paglaya. RNT