Home NATIONWIDE Digong ‘welcome’ sa legal team pero ‘di magiging lead counsel – VP...

Digong ‘welcome’ sa legal team pero ‘di magiging lead counsel – VP Sara

MANILA, Philippines- Sinabi ni Vice President Sara Duterte na “welcome” ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na makasama sa team subalit malamang na hindi magiging lead counsel.

Inihayag ni VP Sara na noong nakaraang taon ay nagboluntaryo ang kanyang ama na maging isa sa kanyang abogado kung ang impeachment complaint laban sa kanya ay mauwi sa pagilitis.

“Maybe if he wants to, he can be part of the defense team, but because of his age and because of the rigorous preparations in an impeachment case, baka sabihin ko sa kanya wag na siyang mag lead. Kasi medyo may edad na eh,” ang sinabi ni VP Sara.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay humarap si VP Sara sa media mula nang iboto siya ng Kamara na ma-impeach at i-transmit ang articles of impeachment sa Senado para sa paglilitis.

Sinabi ni VP Sara na ipinaalam niya sa kanyang ama ang kanyang impeachment subalit hindi pa sila nag-uusap nang personal.

“Wala pa. Nagpadala ako ng message through sa kaniyang assistant. Sinabi ko na ‘everything will be alright.’ Yun ata sinabi ko,” ang sinabi ni VP Sara.

Ang naging tugon naman aniya ng kanyang ama ay isang kanta.

“‘MacArthur Park’. So nagpadala siya ng video na kumakanta siya,” ang winika ni VP Sara.

Ang “MacArthur Park” ay isang 1968 na kanta ni Richard Harris hinggil sa nagtapos na love affair at nasaksihan ang ex-lover na ikinasal.

Naglabas naman si Donna Summer ng disco version ng nasabing kanta noong 1978.

Samantala, mahigit 200 miyembro ng Kamara ang lumagda sa impeachment complaint laban kay VP Sara, minadali ang transmittal sa Senado na may atas na magtipon-tipon para maging impeachment court.

Sinabi naman ni VP Sara na hindi pa niya nabi-brief ang kanyang mga abogado sa impeachment complaint, subalit tiniyak niya sa kanyang mga taga-suporta na ang kanyang team ay nakahanda na para sa potensyal na paglilitis. Kris Jose