Home METRO Halos P40M marijuana buking sa balikbayan boxes!

Halos P40M marijuana buking sa balikbayan boxes!

MANILA, Philippines- Nasa halos P40 milyon halaga ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng container cargo sa Manila International Container Port (MICP) nitong nakaraang linggo.

Batay sa inisyal na ulat, ang nasabing container cargo na nagmula sa Vancouver, Canada ay sumailalim sa X-ray procedure kung saan binuksan at ibinaba ng isang Bureau of Customs inspector noong Miyerkules dahil sa pagkakaroon ng mga “kwestyonable” na dokumento.

Ayon sa PDEA, nadiskubre ang kontrabando nang buksan nila ang 30 sa 419 na kahon ng “balikbayan” na nasa loob ng container cargo.

Ang mga kahina-hinalang bagay ay sumailalim sa K9 inspeksyon at kalaunan ay napatunayang mga tuyong dahon ng marijuana.

Nabatid na nasa mahigit 28,200 gramo ng droga ang nasamsam na nagkakahalaga ng P39,614,400.

Sinabi ng PDEA na ang shipper, receiver, at forwarding companies na sangkot ay iimbestigahan para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa PDEA, ang pag-angkat ng ilegal na droga sa bansa ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon. JR Reyes