MANILA, Philippines- Magtatatag ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng screening committee para i-evaluate ang mga aplikante para punan ang posisyon ng lokal na pamahalaan ng Bamban, Tarlac na naiwang bakante kasunod ng pagsibak kay Mayor Alice Guo.
Kabilang sa komite ang Undersecretary for Local Government ng DILG, Regional Director, 3 kinatawan mula sa civil society groups, at presidente ng Philippine Councilors League sa Tarlac.
Layon ng komite na tiyakin ang kwalipikadong indibidwal para punan ang papel, tumulong na i-stabilize ang municipal government sa gitna ng nagpapatuloy na administrative transitions.
Umaksyon na si Acting Mayor Eraño Timbang para pamunuan ang Bamban, nangako na isusulong ang mga proyekto na natengga sa gitna ng leadership ‘shake-up’ na nag-iwan ng bakante sa local government positions.
Nangako naman si Timbang na titiyakin na magpapatuloy ang municipal programs ng Bamban.
“Apat na beses ko nang nakausap ‘yung mga department heads natin. Kung ano po ‘yung mga programa na hindi pa naituloy, itutuloy po namin at lalo pa po naming dadagdagan,” aniya pa.
Si Timbang ang tanging konsehal na tumanggi na lumagda sa ‘Permit to Operate’ para sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) compound malapit sa municipal hall, na kalaunan ay sinalakay.
Ang biglaang pagpapalit ng liderato ay kasunod ng naging desisyon ng Ombudsman na ibasura si dating Mayor Alice Guo mula sa serbisyo at suspendihin ang Vice Mayor at pitong iba pang konsehal.
Ito ang dahilan kung bakit nahaharap ngayon sa malaking hamon si Timbang, sa municipal government na may limitadong suporta.
“Halos single man army po ako ngayon sa panahong ito. Umaasa po ako na magtatagumpay po kami. Malinis naman po ang hangarin ko sa bayan ko,” aniya pa rin.
Nagpahayag naman ang municipal employees ng kanilang pagkabahala sa madalas na pagbabago sa administrasyon.
“Okay naman po kaming mga empleyado, although we have this konting kaba sa dibdib, at mga queries kasi—dahil nga for the past few months iba-iba ‘yung umuupo natin bilang local chief executives,” ang sinabi ni Cherrylyn Pascua, Tourism Officer ng Bamban. Kris Jose