MANILA, Philippines – Bubuo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Quick Reaction Forces sa mga rehiyon at lungsod sa bansa upang masiguro ang agarang pagtugon sa security concerns sa mga paaralan.
Ito ay kasunod ng pagdami pa ng mga paaralan na nakatatanggap ng mga banta.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, gumagawa ang DILG at Philippine National Police (PNP) ng sistema na magbibigay-daan sa mga awtoridad na agarang makatugon sa mga banta at iba pang emergency sa mga paaralan.
“Nasa plano na namin ni [PNP chief] General Nartatez na gagawa na kami ng quick reaction force in all regions, in all cities to deal with these kinds of emergencies,” ani Remulla.
Sa ngayon, ang mga pribadong paaralan ay obligadong magsagawa ng bag inspections sa pamamagitan ng kanilan security personnel, habang pananatilihin ng pulisya ang presensya sa labas ng mga pampublikong paaralan.
Itatalaga rin ang mga barangay tanod sa loob ng pampublikong paaralan sa pagsusuri ng mga bag ng mga pumapasok sa campus.
“‘Yung mga private schools, may security guards so mandatory na buksan ang bags. ‘Yung mga public schools, may police presence kami sa labas ng mga eskwelahan at meron kaming mga barangay tanods na ilalagay sa loob para i-check ang mga bags nila,” sinabi ni Remulla.
Aniya, ang planong quick reaction forces ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na iwasan ang mga karahasan sa mga paaralan.
Kasabay din nito ang pangangailangan umano sa mas mahigpit na gun control at responsible firearm ownership.
“I cannot stress it enough na kailangan ayusin ang batas ukol sa pag-aari ng baril at sa paghuli ng mga ilegal na baril.” RNT/JGC