MANILA, Philippines- Inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos nitong Huwebes na wala siyang nalalaman ukol sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na posibleng tumulong umano para makatakas si dating Mayor Alice Guo at kanyang grupo.
“Hindi ko alam ‘yang about the chief PNP. Let the PNP chief answer this one about this issue,” pahayag ni Abalos na tinutukoy si kasalukuyang PNP Chief General Rommel Marbil.
“I think they are doing something about this,” dagdag niya.
Hindi pa umano niya nakakausap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa isyu.
Sa Senate hearing sa illegal gambling hubs, sinabi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Senior Vice President Raul Villanueva na mayroong impormasyon mula sa the intelligence committee hinggil sa isang dating PNP chief na posibleng nakatatanggap ng bayad mula kay Guo.
“May pinag-uusapan sa border immigration, hindi ko lang alam ang exact amount [ng bribe], including PNP official [na involved]. Hindi ko lang ma-confirm,” pahayag ni Villanueva sa pagdinig nitong Martes.
Subalit, nilinaw ni Villanueva, retiradong army general, na hindi pa beripikado ang impormasyon. RNT/SA