MANILA, Philippines – Pag-aaralan muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ‘request’ ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bigyan siya ng kapangyarihan na magkansela ng pasok sa mga paaralan tuwing may sama ng panahon o bagyo.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa ngayon kasi ay wala pang opisyal na sagot ang Pangulo patungkol sa suhestiyon ng Kalihim.
“At ito po ay pag-aaralan dahil kung ito naman po ay makakabuti sa mas nakakarami, pag-aaralan po ito at magbibigay ng maaaring tugon ang Pangulo patungkol. Pero as of the moment, kung ano ang nagiging sistema natin sa kasalukuyan kung saan ang mga liderato ng mga ahensiya ng LGU na siyang nagbibigay ng kanilang utos o order kung mayroon mang suspensyon ng klase, iyon po muna ang mananatili,” ayon kay Castro.
Sa kabilang dako, makabubuti aniya na itanong sa mga Local Government Units (LGUs) ang kanilang polisiya sa kung paano magsususpinde ng klase sa mga paaralan lalo na’t may mga magulang pa rin na nagri-reklamo na minsan nasa school na ang kanilang anak ay saka pa lang magsususpinde ng klase.
“Mas maganda po nating itanong ito sa mga liderato po ng mga LGUs. Sa kasalukuyan po kasi at paminsan-minsan, medyo hindi rin po agad yata naibibigay sa kanila iyong mga information para po sila ay makapag-decided agad. Pero sa pamamagitan po ninyo at ng taumbayan, kung maaari pong makapagbigay agad ang mga heads ng LGUs ng mabilisang order o kanilang panukala kung dapat isuspinde ang klase, dapat po talaga na mas mabilis para hindi pa po nakakalabas ang mga bata at mga magulang, hindi na po naiipit kung nagkaroon man ng baha o traffic,” ang pahayag ni Castro.
Samantala, dahil sa panahon na ng tag-ulan at pagbaha, ipinag-utos ng Pangulo ang agarang paglilinis ng mga drainage dahil ito ani Castro ay makatutulong na maiwasan ang mabilis na pagbaha lalung-lalo na sa Metro Manila.
“Ayon nga po sa MMDA, mayroon na po sila na 23 priority estero sa NCR gamit ang makabagong equipment o mga machinery para po malinis nang agaran itong mga estero po. At maliban po diyan, pinag-utos din po sa DOLE at saka sa DPWH. Bakit po? Dahil po maaasahan po natin iyong mga TUPAD beneficiaries na tumulong sa paglilinis ng ating mga estero,” ang sinabi ni Castro.
At para naman aniya sa NDRRMC, kailangan aniya na maging handa ang local disaster offices bilang first responders sa mga ganitong klaseng pagkakataon.
Winika pa ni Castro na pinag-utos na rin ng DILG na palakasin ang disaster preparedness measures ng bawat lokal na pamahalaan.
“Activation of emergency operation centers, evacuation preparedness, updated contingency plans, community drills and exercises, at ang enforcement of no build zones,” ang sinabi ng DILG ayon kay Castro. /Kris Jose