Home HOME BANNER STORY Missing sabungero whistleblower, kinasuhan ni Atong Ang

Missing sabungero whistleblower, kinasuhan ni Atong Ang

MANILA< Philippines – Nagsampa ng reklamo ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang laban kay Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” na isa sa mga akusado sa pagkawala ng 34 sabungero.

Nauna nang inakusahan ni Patidongan si Ang bilang utak sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mga sabungero na itinapon umano sa Taal Lake. Idinawit din nito si aktres Gretchen Barretto at sinabing inalok siya ng ₱300 milyon upang baligtarin ang kanyang pahayag—bagay na kanyang tinanggihan.

Isinampa ang kaso sa Mandaluyong Prosecutor’s Office kasama si Atty. Lorna Kapunan pasado alas-9:15 ng umaga.

Giit ni Atty. Kapunan, “mga kasinungalingan” ang paratang ni Patidongan na umano’y walang kredibilidad dahil may dating kaso ng multiple frustrated murder at robbery noong 2019 at 2020.

Sinampahan si Patidongan ng limang kaso: attempted robbery with violence and intimidation, grave threat, grave coercion, incriminating against innocent persons, at slander.