Home METRO Call center agent na wanted sa kasong statutory rape, tiklo

Call center agent na wanted sa kasong statutory rape, tiklo

MALABON, Philippines – Kulong ang isang 24 anyos na call center agent na wanted sa kasong statutory rape nang madakip sa manhunt operation sa Malabon City.

Ikinasa ng mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusadong si alyas “Iris”, matapos makakuha sila ng kopya ng arrest warrant laban sa akusado.

Ayon kay Malabon Police OIC chief P/Col. Allan Umipig, ang akusado ay nakatala bilang No. 4 Top Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at No. 5 Top MWP naman sa Malabon police.

Alas-3:00 ng hapon nang tuluyang maaresto ng tumutugis na mga operatiba ng WSS ang akusado sa kanyang tinutuluyang bahay sa Brgy. Concepcion, ng lungsod.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest sa inisyu ng Malabon City Family Court, Branch 4, noong June 18, 2025 para sa apat na bilang na kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilioat sa kanya sa City Jail. (Merly Duero)