MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na tapusin ang paglilikas sa mga high-risk na komunidad bago mag-Linggo, bilang paghahanda sa posibleng super bagyong Uwan (Fung-Wong).
“Sinasabi namin sa lahat ng lokal na opisyal na tapusin ang paglilikas ng mga residente sa high-risk na lugar hindi lalampas sa Linggo. Ang maagang paglilikas ay nakapagliligtas ng buhay,” ayon sa DILG.
Binigyang-diin din ng ahensya na dapat ihanda ng LGUs ang evacuation centers na may sapat na suplay at kuryente, makipag-ugnayan sa regional disaster councils, magsagawa ng impormasyon sa publiko, at ipatupad ang no-sailing policy at suspensyon ng outdoor activities sa mga delikadong lugar.
“Huwag tayong maging kampante. Kritikal ang susunod na 48 oras para sa kahandaan. Hinihikayat namin ang lahat na manatiling updated, sundin ang mga lokal na abiso, at makipagtulungan sa mga awtoridad,” dagdag ng ahensya. RNT