MANILA, Philippines – Dapat bumili ng mga motorsiklo ang mga gobernador para masiguro ang agarang responde ng lokal na pulisya, bilang suporta sa 911 emergency hotline, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa kalatas nitong Sabado, Pebrero 8, sinabi ni
DILG Secretary Jonvic Remulla na magbibigay-daan ang pagbili ng mga bagong motorsiklo sa mabilis na pagberipika sa legitimacy ng mga isinusumbong na insidente, lalo’t nasa 60 percent ng kabuuang report na natatanggap ng 911 ay prank calls.
“Ito lang ang hihilingin ko sa inyo: Bumili na kayo ng motorsiklo. Bigay n’yo sa mga pulis para sila lang muna ang magve-verify kung legitimate ang tawag o hindi,” ani Remulla.
Ito ay maliit na investment lamang ng mga gobernador at masisiguro na hindi masasayang ang pondo ng pamahalaan.
Sa kanyang apat na termino bilang gobernador ng Cavite, sinabi ni Remulla na nakabili sila ng 800 police cars bilang logistical support para mabilis na makatugon sa mga humihingi ng tulong.
Aniya, ang national government ang sasalo ng lahat ng gagastusin para sa paglulunsad ng nationwide integrated 911 system.
“Ang investment lang ng LGUs is I ask you to give policemen access to motorcycles para first response, laging pulis, para madetermine talaga ang nangyayari,” dagdag ni Remulla.
Bibigyan aniya, ang lahat ng mga bayan ng firetrucks at ambulansya para sa quick response sa mga emergency.
“Ang 911 kasi balewala ‘yan kung tatawag ka lang tapos ang response wala rin. Parang nagsusumbong ka lang. So kailangan ma-capacitate natin ang mga LGUs na may kakayanan silang mag-respond,” sinabi ni Remulla.
Target ng DILG na ilunsad ang integrated 911 emergency response system sa Hunyo sa Greater Manila area, Cebu at Mindanao.
Pinalitan ng 911 ang lumang Philippine emergency hotline 117 noong 2016. RNT/JGC