MANILA, Philippines – Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na susunod ang kanyang ahensya sa magiging hakbang ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng utos na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na may nakabinbing warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa DOJ, inatasan na ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), na nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na ipatupad ang pag-aresto matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling ng senador na pigilan ang warrant.
“We will follow the lead of the DOJ with regards to this,” ayon kay Remulla.
Nang tanungin kung ibabalik ang naunang 10,000-strong task force para hanapin si dela Rosa, sinabi niya: “225,000 [police officers]. That’s the entire PNP.”
Si dela Rosa ay wanted ng ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte, na tinatayang umabot sa 30,000 ang nasawi ayon sa human rights groups.
Dating PNP chief si dela Rosa mula 2016 hanggang 2018 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang bumuo ng task force ang DILG para hanapin ang senador, ngunit kalaunan ay binuwag ito at pinalitan ng subpoena ng CIDG habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema.
Umalis si dela Rosa sa Senado noong Mayo 14 matapos ang tensyon kasunod ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado, at ayon sa ulat, sumakay umano ito sa sasakyan ni Sen. Robin Padilla patungong Makati. RNT/MND