MANILA, Philippines – Inaasahang muling bubuksan sa Oktubre 20 ang northbound portion ng Dimasalang Bridge sa Sampaloc, Manila, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sumasailalim sa major rehabilitation ang tinatayang 40-metrong tulay upang matiyak ang kaligtasan at tibay nito.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, 56 taon na ang tulay at nagsimula lamang ang rehabilitasyon noong Hunyo.
“Fifty-six years old na po itong tulay na ‘to, ang daming mga tulay natin sa Pilipinas na ganiyan na ‘yung mga edad… Ang maganda dito, kakasimula lang nito nung June, so apat na buwan pa lang mahigit,” ani Dizon.
Kabilang sa natitirang trabaho ang pagkumpleto sa sidewalk at asphalt paving. Mahalaga umanong matapos ito bago ang Undas dahil inaasahang dadagsa ang mga bibisita sa Manila North Cemetery.
“Lalong-lalo na mag-u-Undas na, ang North Cemetery andun lang, eh kung lumagpas ‘to ng Undas kawawa naman ‘yung mga kababayan natin,” ani Dizon.


May kabuuang P160 milyon na pondo ang proyekto para sa magkabilang bahagi ng tulay. Nakumpleto na ang southbound portion.
Samantala, sinabi ni Dizon na iinspeksyunin niya sa Biyernes ang isang bagong flood-mitigation structure sa Arayat, Pampanga na iniulat ng lokal na pamahalaan na nasira.
“May bumigay na flood mitigation na kabago bago. Kasama sa warranty period ‘yun,” ani Dizon. RNT/MDS/Jocelyn Tabangcura-Domenden/larawan ni Eric Ocapan







