Home METRO Dinukot na Indonesian national nakatakas, natagpuan sa Kabite

Dinukot na Indonesian national nakatakas, natagpuan sa Kabite

MANILA, Philippines- Isang Indonesian national na umano’y dinukot sa Makati City ang natagpuan sa harapan ng simbahan sa Silang, Cavite.

Nakikipag-ugnayan na ang Silang Municipal Police Station sa Bureau of Immigration at Embahada ng Indonesia sa Manila hinggil sa biktimang kinilala na si Teddy Sufendy, 28, empleyado ng POGO bilang Search Engine Maintenance na matatagpuan sa Alphaland Corporate Tower sa harap ng Makati City Police Station, at kasalukuyang nakatira sa Knightsbridge Residences, Makati City, Metro Manila.

Sa salaysay ng biktima, dinukot umano siya nitong nakaraang Mayo 4 sa bahagi ng Makati City ng hindi kilalang indibidwal, kung saan piniringan at pinosasan ito.

Inutusan pa umano ng mga suspek ang asawa ng biktima na mag-download ng apps na Telegram na nagsisilbing komunikasyon nila.

Dinala umano ang biktima sa bahagi ng Tagaytay City kung saan siya ay binihag at noong Mayo 13 ay nagawa nitong makatakas at naglakad sa loob ng halos apat na oras hanggang sa nakarating sa Unida Christian Church hanggang sa sinaklolohan siya ng barangay officials bandang alas-7:30 ng umaga.

Salaysay pa ng biktima,  tinangay ng kidnappers ang kanyang iPhone 15, wallet na naglalaman ng P5,000 cash at iba’t ibang identification cards.

Ang biktima ay hawak ngayon ng Silang Municipal Police Station habang nakikipag-ugnayan na sila sa Makati City Police para sa beripikasyon kabilang ang pagkakakilanlan sa mga suspek..

Ipinaalam na rin sa Foreign Liaison Division of the Directorate for Intelligence ang nasabing insidente. Margie Bautista