MANILA, Philippines- Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go, sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na dapat mas bigyang pansin ang malaking problema sa ilegal na droga na patuloy na kinakaharap ng bansa.
Sinabi ito ni Go matapos niyang ipahayag ang kanyang suporta sa layunin ni committee chair, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na panatilihing malaya sa pulitika ang imbestigasyon.
“Ang pangunahing layunin natin dito ay ang kapakanan at kaayusan ng publiko…Pinag-usapan po natin ang droga dito. Mas importante po itong problema ng droga sa ngayon,” sabi ni Go.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa nag-leak na dokumento sa loob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa simula, nilinaw ni Go, vice chairperson ng komite na ang pangunahing layunin ng pagdinig ay ibunyag ang buong katotohanan sa likod ng mga paratang.
Sa pagdinig, binanggit ni Go ang nakakabahalang insidente na kinasasangkutan ng pagtakas ng mga bilanggo mula sa isang pasilidad ng detensyon ng PDEA.
“Mr. Chair, nakarating po ngayong araw na ito ma may report… na nakatakas daw ‘yung mga presong involved mula dito sa PDEA detention cell. Totoo po ba ito?”
Kinumpirma naman ni PDEA Director General Virgilio Lazo ang pagtakas at iniimbestigahn na aniya ito sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police.
“What I got is that they could open the jail facility’s roofing. We were coming to the hearing, and I talked to our regional director. So I was… wala pa akong masyadong details about the incident, Your honor,” ani Lazo.
Sa kanyang mga pahayag, binigyang-diin ni Go ang malaking implikasyon ng naturang security breaches na nag-uugnay sa pangkalahatang isyu ng wastong drug enforcement.
“Habang pinag-uusapan natin dito itong isyu sa PDEA, meron pang malaking problema sa ating PDEA. Nahuli na, nakatakas pa,” ayon kay Go.
Si Go ay isang matibay na tagapagtaguyod sa mga hakbang laban sa droga sa bansa. Nagpahayag siya ng pagsuporta sa plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtayo ng mga drug treatment at rehabilitation facility sa bawat lalawigan sa Hunyo 2028.
“Kapag na-contain ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, tataas ‘yung criminality, at lalala rin ‘yung korapsyon — makolorap po ‘yung tao,” idiniin ni Go. RNT