MANILA, Philippines- Bilang bahagi ng pagsunod sa health protocol, ang mga deboto ay hindi na pinapayagang direktang humalik sa imahe ng Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand, bagama’t ang tawag sa aktibidad ay “Pahalik.”
Sinabi ni Nazareno 2025 Feast Adviser Alex Irasga na dapat mag-sanitize ng kamay ang mga deboto bago humawak sa imahe sa halip na humalik.
Pinayuhan din ang publiko na gumamit ng towel o panyo na pamunas sa imahe upang maiwasan ang pagkalat ng virus o anumang sakit.
Hinihikayat ding magsuot ng facemask ang ang mga makikiisa sa aktibidad at alamin ang mga lokasyon ng health at rescue teams para sa emergencies.
Ang aktibidad ay nagsimula Enero 7 hanggang Enero 9 sa Quirino Grandstand, na dinaragsa ng milyong deboto.
Ang pahalik ay isang simbolikong pananambahan, pasasalamat, at petisyon para sa mga himala, at bahagi ng kapistahan ng Nazareno. Jocelyn Tabangcura-Domenden