MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD) na walang humpay ang isinasagawang operasyon ng mga tauhan ng DSWD upang mahatiran ng tulong ang mga pamilya at indibidwal na apektado ng bagyong Enteng sa Northern Luzon.
“Sa kasalukuyan, ongoing pa rin po ang isinasagawa natin na koordinasyon sa LGUs especially that Enteng is battering naman the Northern part of the country, Region 2 (Cagayan Valley),” sabi ni DRMG Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao sa panayam ng media.
Sa report ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) ngayong araw, Setyembre 3, may 219 pamilya o 805 indibidwal sa Cagayan Valley Region ang naitalang apektado ng bagyong Enteng. Gayunman, ang DSWD Field Office (FO) 2-Cagayan Valley ay patuloy sa pakikipagtulungan sa lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) at Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) sa pagmo-monitor sa kani-kanilang lugar.
Kaugnay nito nilinaw naman ng DRMG official, na nakahanda ang DSWD na maglaan ng dagdag na suporta sa mga LGUs na apektado ng bagyo at habagat. “In fact, nationwide, mayroon tayong total stand by funds and stockpile na nagkakahalaga ng mahigit P2 billion at ang ating mga prepositioned goods ay nakahanda,” sabi pa ni Asst. Secretary Dumlao.
Samantala nakapaglaan na ang DSWD ng augmentation support sa National Capital Region (NCR), CALABARZON, Bicol Region, at Eastern Visayas.
“Ang atin pong mga natanggap na requests from the LGUs for augmentation support ay nasa mahigit 140,000 na FFPs… and ang DSWD ay nakapaghatid na ng support to these LGUs,” sabi pa ni Asst. Secretary Dumlao.
Sa kasalukuyan, ang ahensya ay mayroong mahigit sa 1.73 million kahon ng FFPs na pawang naka-preposition sa ibat ibang warehouses sa bansa. Santi Celario