MANILA, Philippines – Tinalakay ng mga opisyal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ng isang mataas na opisyal ng Discord ang mga panukalang hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang kaligtasan ng mga bata online at maiwasan ang online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) at marahas na ekstremismo.
Ang Discord ay isang communication platform na ginagamit sa text, voice at video. Binatikos online ang CICC at Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos ipagbawal ang platform noong nakaraang buwan dahil hindi ito sumunod sa utos na magtayo ng lokal na tanggapan sa bansa.
Ipinatupad ang pagbabawal dahil sa mga pangamba na hinihikayat umano ng mga online groomer ang mga menor de edad na gumawa ng karahasan. Kaugnay ito ng hindi bababa sa tatlong magkakahiwalay na nakamamatay na pamamaril sa Tacloban City, Zamboanga City at South Cotabato.
Ayon kay CICC Executive Director at Undersecretary Aboy Paraiso, nagpahayag ang Discord ng kahandaang magtalaga ng lokal na law firm na kakatawan sa kumpanya sa Pilipinas, bilang tugon sa kahilingan ng CICC at sa panukalang batas sa Kongreso.
Binigyang-diin ni Paraiso na kailangang may sapat na kapangyarihan ang lokal na kinatawan upang agarang tugunan ang mahahalaga at sensitibong usapin, sa halip na maging pormal na contact person lamang.
“If we’re gearing towards not setting up a Philippine office, not a physical office, but more of a Philippine representative, it has to have some sort of power and discretion to decide over various issues that are, like I said, imminent, crucial, or difficult,” ani Paraiso.
Samantala, sinabi ni Discord Senior Public Policy Advisor for Asia-Pacific Vasundhara Singh na kailangang balansehin ang layunin ng regulasyon at ang praktikal na pangangailangan ng mga kompanya ng teknolohiya.
Hinimok din niya ang pamahalaan na pag-ibahin ang pagtatalaga ng lokal na legal representative at ang pagkakaroon ng pisikal na tanggapan sa bansa.
“If the local presence is sufficient, we already spoke to your office, and we’re happy to find a law firm that represents us, as we’ve done in Korea, Japan, a lot of these countries,” ani Singh.
Dagdag niya, dapat nakabatay sa layunin ng pamahalaan ang mga rekisito, lalo na sa pagtiyak na may epektibong paraan ang mga kompanya upang tumugon sa mga awtoridad at agarang aksiyunan ang mahahalagang usapin.
Nagbabala rin si Singh na maaaring mas mabigatan ang maliliit na kompanya ng teknolohiya at mga startup kung sapilitang magtatayo ang mga ito ng pisikal na opisina. Aniya, dapat isaalang-alang ng mga regulasyon ang laki, operasyon at kakayahan ng bawat platform habang tinitiyak na tumutugon ang mga ito sa mga kahilingan ng pamahalaan.
Ayon kay Paraiso, nagbigay ang pulong ng pagkakataon upang talakayin kung paano mapapahusay ng isang may sapat na kapangyarihang lokal na kinatawan ang koordinasyon ng Discord at mga awtoridad sa Pilipinas.
Dagdag niya, nakasalalay sa pinal na bersiyon ng kaugnay na batas at sa mga obligasyong ipapataw sa mga saklaw na platform ang magiging partikular na rekisito para sa lokal na kinatawan ng Discord. RNT/MDS