MANILA, Philippines- Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na hindi mali ang disenyo ng rampa sa Philam station ng Edsa busway sa Quezon City.
Base sa MMDA chief, ito lamang ang maaaring gamiting disenyo gamit ang limitadong espasyo, taas, at sukat ng lugar dahil sa height restrictions.
“Kung sasabihing mali, hindi po siya mali,” giit ni Artes sa isang panayam nitong Huwebes. “Given the limited space, height, and sa laki ng lugar, ito lang po ‘yong pwedeng mailagay.”
Sa pahayag sa isang post sa official Facebook page nitong Miyerkules, kinilala ng MMDA na ang disenyo ng rampa sa Philam station ng Edsa busway ay hindi perpekto para sa mga gumagamit ng wheelchairs.
“Hindi ito perpektong disenyo lalo na sa mga naka-wheelchair pero malaking tulong pa rin ito para sa mga senior citizens, buntis, at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan,” anito.
Anito pa, ginawa ang rampa sa limitadong espasyo at kung wala ito, hindi maaaring maglagay ng elevator sa istraktura.
Ipinaliwanag ng MMDA chief nitong Huwebes na sa kanilang deliberasyon sa proyekto matapos ang konsultasyon sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3), binigyan sila ng height restrictions na hindi maaaring itaas nang sobra ang elevator.
“Made-defeat naman po ‘yong purpose kung dalawang side may elevator tapos pagdating sa gitna, maghahagdan ka rin,” ani Artes.
Sinabi pa ng opisyal na hindi naman masyadong mataas ang rampa, taliwas sa anggulong ipinakita sa viral photo nito na binatikos ng netizens dahil hindi umano ito PWD-friendly.
Gayunman, inihayag ni Artes na nakipag-ugnayan na sila sa architectural firm na magbibigay ng libreng serbisyo upang magsagawa ng inspeksyon at magmungkahi ng mga pamamaraan upang ayusin ang konstruksyon ng rampa.
Aniya pa, kahit pinasinayaan na ang rampa sa Philam station ng Edsa busway, hindi muna ito bubuksan sa publiko.
“Gawin po muna namin siguro ‘yong improvements na pwede bago po ito buksan,” dagdag niya. RNT/SA