Iniharap ni Valenzuela Mayor Weslie Gatchalian ang biktima ng road rage na isang 42-anyos na traffic enforcer ng Traffic Management Office (TMO) Valenzuela, upang ireklamo at sampahan ng kasong kriminal ang dalawang pulis-Maynila na umano'y sinaktan at pinagbantaang papatayin siya. Jojo Rabulan
MANILA Philippines- Dalawang tauhan ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District ang sinampahan ng kaso dahil sa ginawang pananakit at panunutok ng baril sa isang traffic enforcer ng Valenzuela City.
Mga kasong physical injury at grave threat ang isinampang kaso sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban kina alyas “Camacho” at “Cabudoy,” kapwa may ranggong Staff Sergeant.
Nagsilbi namang testigo laban sa dalawa ang ikatlong pulis na kinilalang si alyas “James” na may ranggong Corporal.
Lumabas sa pagsisiyasat ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Polo Sub-Station 5, tinatahak ni Ronaldo David ng Valenzuela Traffic Management Office (TMO) ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Mabolo dakong alas-4:30 ng madaling araw noong Linggo, Hulyo 14, sakay ng kanyang motorsiklo nang makasabayan niya ang dalawang suspek na pulis na magkaangkas sa motorsiklo, kasunod ang kanilang kasama.
Napansin ng biktima na kapwa walang suot na helmet at naka-tsinelas ang dalawa na paglabag sa ordinansa subalit bago pa niya masita ang mga ito, bumaba ang dalawang pulis pagdating sa Hernandez St. Brgy. Mabolo at kinompronta ang biktima.
Bumunot umano ng baril si alyas Camacho at hinataw sa sikmura ang biktima na kanyang ikinabagsak habang bumunot din ng baril sa alyas Cabudoy sabay sabing, “Gusto mo patayin na kita dito, eh,” bago sabay umalis ang mga ito.
Tinulungan naman ni alyas Cpl. James ang biktima na makatayo bago siya pinaalis saka humingi siya ng tulong kay Barangay Chairman Dhang Lee ng Brgy. Mabolo na siyang nakipag-ugnayan sa pulisya.
Sa ginawang follow-up operation ng Detective Management Unit (DMU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Capt. Michael Oxina, natunton sa pamamagitan ng pagsusuri sa kuha ng mga CCTV ang pinagparadahan ng motorsiklo ni Cpl. James sa Brgy. Lingunan na siyang kumilala sa dalawa niyang kabaro.
Paalala naman ni Mayor Wes Gatchalian sa mga motorista at residente ng iba pang karatig-lungsod na sumunod at irespeto ang mga ordinansang ipinatutupad sa loob ng lungsod.
Aniya, walang kakatigan ang umiiral na batas sa lungsod at hindi palalampasin ang mga ganitong uri ng paglabag, lalo na’t kung sangkot ang kanyang mga mamamayang nasasakupan. Merly Duero