MANILA, Philippines- Inihayag ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagsasagawa sila ng pag-audit sa lahat ng security bollard at muling pagdidisenyo ng mga departure passenger drop-off area sa buong main gateway ng bansa, kasunod ng kamakailang pa-araro ng sasakyan na kumitil sa dalawang buhay noong Linggo.
Ayon sa NNIC, isasailalim sa pag-audit ang lahat ng security bollard sa buong NAIA, habang ang muling pagdidisenyo ay isasama ang mga departure passenger drop-off area sa Terminals 1 at 2, bilang bahagi ng agarang pagsisikap nitong mapabuti ang kaligtasan sa curbside nito.
Sinabi ng NNIC na binabago din nito ang kasalukuyang diagonal na layout ng pagbaba ng pasahero sa mga departure area ng Terminals 1 at 2 sa isang mas ligtas na parallel unloading configuration.
“Together with the planned bollard reinforcements, this adjustment will provide an added layer of protection for passengers, well-wishers, airport staff, and others who regularly access the terminal curbside,” ayon sa NNIC.
Ang pahayag ay matapos na bumangga ang isang sports utility vehicle (SUV) sa isang security bollard at mabilis na pumasok sa departure area ng NAIA Terminal 1 noong Linggo ng umaga, na ikinasawi ng isang apat na taong gulang na anak ng isang overseas Filipino worker (OFW), at isang 29-anyos na lalaki na lilipad dapat sa ibang bansa para sa isang business trip, at nasugatan ang ilang iba pa.
Napag-alaman sa ulat ng Land Transportation Office (LTO) na nag-panic ang driver nang sabihing may dumaan na sedan sa kanyang harapan habang papaalis na siya sa departure area. Ang kuha ng CCTV sa lugar, gayunpaman, ay nagpakita na walang ganoong sasakyan sa harap niya. Agad namang dinala sa kustodiya ng pulisya ang driver kung saan sinuspinde ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
Nangako rin si NNIC president Ramon Ang nitong weekend na personal na sasagutin ang mga gastusing medikal ng mga nasugatan at magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga nasawi.
Kinuha ng NNIC, na binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp., ang NAIA noong Setyembre 14, 2024. JR Reyes