Home NATIONWIDE Palasyo may patutsada kay VP Sara: ‘Wag maging asal bata

Palasyo may patutsada kay VP Sara: ‘Wag maging asal bata

MANILA, Philippines- Nanawagan ang Malacañang nitong Martes kay Vice President Sara Duterte na huwag maging “childish” matapos sabihing hindi umano niya ibabahagi ang kanyang ideya kung paano gagawing posible ang P20 kada kilong bigas.

”Tandaan po natin, ang paglilingkod sa bayan ay hindi isang laro. Ang gobyerno, ang bansa ay hindi isang malaking playground, huwag naman po sanang maging asal bata ang Bise Presidente,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing.

”Sa pag-amin niya pong ito na hindi niya ise-share kung anuman ang kanyang kaalaman, kung mayroon man talagang kaalaman, dahil nga sa ayaw niyang pagtulong sa ating Pangulo, ito’y nagpapakita ng isang makasarili.”

“Tandaan po natin kung anuman po ang kaalaman na mayroon kayo para sa taumbayan, ito po dapat ay agad-agad na isinasagawa at hindi po dapat ito tina-timing,” patuloy ni Castro.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang bise presidente ukol dito.

Noong Abril, nagbenta ang gobyerno ng P20 kada kilong bigas sa Visayas subalit inihinto ito sa gitna ng ayuda ban para sa Eleksyon 2025.

Sinabi ni Duterte na ang programa ay isa umanong election promise upang palakasin ang tiyansa ng senatorial candidates ng Marcos administration sa midterm polls. RNT/SA