Home NATIONWIDE Diskriminasyon vs SHS grads tugunan – Tulfo

Diskriminasyon vs SHS grads tugunan – Tulfo

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo nitong Lunes kung bakit 10% lamang ng senior high school (SHS) graduates sa bansa ang natanggap sa mga trabaho, batay sa datos mula sa Department of Education.

Sa pagdinig sa enterprise-based education and training, sinabi ni Tulfo na kailangang tugunan ang diskriminasyon laban sa senior high school graduates.

“Sa classified advertisements na naghahanap ng employee, palaging, almost always must be college graduate,” ani Tulfo. “Dini-disregard na agad yung mga graduate ng senior high. Even parang clerk typist lang, receptionist lang must be a college graduate.”

Iginiit ng senador na kailangan ng programa na hihikayat sa mga kompanya na tumanggap ng SHS graduates.

Ayon kay Department of Labor and Employment Undersecretary Carmela Torres, sa 9,000 job vacancies noong nakaraang taon, 116 SHS graduates lamang ang na-hire. Natanggap sila bilang cashiers, sales agents, at service crew.

Ani Torres, karamihan sa mga kompanya ay naghahanap ng mga aplikante na mayroong college degree.

Samantala, binanggit ni Senate Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang kakulangan ng sertipikasyon ng SHS students na nag-aral ng iba’t ibang technical vocational courses bilang isa sa mga rason kung bakit hirap silang makakuha ng trabaho. RNT/SA