Home NATIONWIDE Dizon humirit ng P644B sa 2027 budget sa Senado; flood control funds...

Dizon humirit ng P644B sa 2027 budget sa Senado; flood control funds bantay-sarado

1
0

MANILA, Philippines – Iniharap ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang panukalang budget niot sa 2027 na aabot sa P643.95 bilyon, kasabay ng mga repormang ipinatupad sa mas transparent at mahigpit ang pagbabantay sa paggasta at nangakong babantayan ang pondo sa flood control.

Sa pagdinig ng Committee on Finance nitong Biyernes, Setyembre 25, 2026, sinabi ni Dizon na pinagsama-sama na ng DPWH ang lahat ng flood-mitigation at flood-control project sa ilalim ng Flood Management Program. Inalis na aniya ang mga kaparehong proyekto na dati ay nakakalat sa ibang programa.

Paliwanag niya, mas magiging malinaw ang budget at mas madaling ma-track ang lahat ng proyekto laban sa baha.

Ayon kay Dizon, tinanggal na rin ng DPWH ang ilang convergence program sa budget nito at inilipat na sa kanya-kanyang ahensya para mas maging transparent ang alokasyon ng pondo.

Aniya, mas hinigpitan na rin ng ahensya ang implementasyon at monitoring ng mga proyekto kasunod ng kontrobersya sa flood control.

Samantala, hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang DPWH na bilisan ang pagpapatupad ng mga lehitimong infrastructure project para mapasigla ang ekonomiya, habang tinitiyak na mananatili ang mga repormang ipinatupad matapos ang isyu sa flood control.

Sa deliberasyon ng Senate Finance Committee sa panukalang 2027 DPWH budget nitong Biyernes, sinabi ni Gatchalian na bumagal sa 2.6 percent ang paglago ng ekonomiya sa unang hati ng taon, dahil sa pagbagal ng government construction at ng household consumption.

Aniya, direktang konektado ang pagbagal ng government construction sa mga isyung bumabalot sa flood control projects.

“The low-hanging fruit to accelerate our economy is to fast-track construction and project implementation, without sacrificing integrity, accountability, and, of course, the right price,” sabi ni Gatchalian.

Giit niya, ang pagpapabilis ng konstruksyon ay hindi dapat mauwi sa pagbalik sa dating kalakaran kung saan ibinibigay ang kontrata sa mga paborito o sobra-sobra ang presyo ng proyekto.

Pinasalamatan din ni Gatchalian si Dizon sa mga repormang naipatupad sa unang taon nito sa puwesto.

Sa parehong pagdinig, nanawagan si Committee on Finance Chairperson Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na balansehin ang pagpapabilis ng paggasta sa imprastraktura at ang pagpapalakas ng pananagutan.

Sa pagdinig nitong Biyernes, sinabi ni Ejercito na mahalaga ang imprastraktura sa paglago ng ekonomiya dahil lumilikha ito ng trabaho, pinagaganda ang konektibidad, umaakit ng investments, at nagpapalakas ng economic activity.

Aniya, nasa 5.8 percent ng gross domestic product (GDP) ang average ng infrastructure spending mula 2022 hanggang 2024 pero bumaba ito sa 4.7 percent noong nakaraang taon. Ikinabahala rin niya ang pagbaba ng public construction activity at ang underspending at delay sa implementasyon ng proyekto.

“Every delayed project has an economic cost, and every anomalous, poorly vetted project costs us even more,” ani Ejercito.

Kinilala niya ang mga repormang ipinapatupad ng DPWH, kabilang ang requirement para sa certificates of implementability at ready program of works and signing, pero sinabi niyang sa inisyal na review ng komite, may mga proyektong posibleng magdulot ng red flags.

Binanggit ni Ejercito ang 155 proyekto sa 1,256 sa ilalim ng Flood Management Program, na may alokasyong aabot sa P8.2 bilyon, na kulang o hindi pa sumusunod sa requirements ng ahensya.

Tinukoy din niya ang mga budget item na nakasaad lang bilang “various projects,” mga lump-sum item na walang malinaw na detalye ng implementasyon, clustered projects, at mga proyektong may kulang o hindi tugmang limit at gastos.

Giit ng finance committee chair, hindi dapat mauwi sa pagtigil ng infrastructure development ang mga isyung ito, pero dapat manatiling mapagmatyag ang gobyerno sa pagbabantay ng kaban ng bayan at tiyaking maayos na nasusuri ang mga proyekto. Dapat anyang panagutin ang mga may sala sa iregularidad at tiyaking hindi na mauulit ang problema sa flood control projects.

“As we deliberate, our goal is clear: restore the momentum of infrastructure spending while eliminating the inefficiencies, irregularities, and anomalies that have undermined public trust … We need to strike a balance for this budget season. We need to give utmost priority and importance to accountability, but at the same time, we need to accelerate public spending to improve our economic growth,” diin ni Ejercito. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here