MANILA, Philippines – Tinawag na walang basehan at katawa-tawa ni Atty. Antonio “Tony” La Viña, tagapagsalita ni Senador Loren Legarda, ang mga alegasyon laban sa kanya at sa anak nitong si Batangas First District Rep. Leandro Leviste.
Giit ni La Viña sa harap ng digital media nitong Miyerkules, salungat sa ilang dokumento at financial records ang lahat ng paratang.
Hinamon nito ang Department of Energy (DOE) na busisiin ang sarili nitong sulat, tukuyin kung aling kumpanya ba talaga ang may obligasyon, at itama ang malaking pagkakamali na pinag-ugatan ng reklamo kina Legarda at Leviste.
Kinuwestiyon din niya ang Office of the Ombudsman sa pagtuloy ng reklamong plunder at graft.
“Una sa lahat, walang pera galing sa gobyerno na kinuha at ibinulsa ni Senator Loren o ni Representative Leandro. Walang plunder, walang government funds na kinuha in any of the projects. Dapat very clear sa atin yan,” ani La Viña.
Iginiit niyang pribadong pondo ang ginamit sa mga renewable energy project na sinisilip at hindi porket hindi natuloy ang proyekto ay plunder o graft na agad.
Nilinaw din niya na magkakaiba ang mga kumpanyang pinag-uusapan sa bilyun-bilyong obligasyong pinapasa kay Leviste. Aniya, bayad na nang buo ang mga lehitimong obligasyon ng mga kumpanya ni Leviste.
Tinukoy ni La Viña ang demand letter ng DOE na naka-address kay Mr. Emmanuel Rubio ng SP New Energy Corporation (SPNEC) — na pag-aari na at kontrolado ng MGen ng Meralco simula 2024.
Aniya, dapat paghiwalayin ng DOE ang SPNEC sa Solar Para sa Bayan Corporation at iba pang kumpanya ng Solar Philippines.
“Malinaw naman ang resibo na yung letter nila asking for twenty-four billion to be paid, na later binago nila to ten billion, ay doon sa kay Mr. Emmanuel Rubio at hindi kay Leandro Leviste, hindi sa kanyang mga kumpanya,” paliwanag niya.
Nilinaw din niyang non-exclusive ang prangkisa ng Solar Para sa Bayan at awtomatiko na itong napaso matapos hindi maging operational. Kasalanan aniya ito ng gobyerno dahil hindi naglabas ang DOE ng implementing rules at hindi tinukoy ang mga lugar kung saan pwedeng ipatupad ang prangkisa.
“Hindi siya na-implement dahil sa gobyerno. Hindi naglabas yung Department of Energy ng rules and regulations to implement the solar franchise. Hindi rin naglabas ang gobyerno, ang DOE, ng mga lugar kung saan siya pwedeng i-implement,” sabi ni La Viña.
Ibinasura rin niya ang paratang na minonopolyo ni Leviste ang renewable energy service contracts. Paliwanag niya, 42 lang sa 518 solar service contracts sa buong bansa ang napunta kay Leviste.
Ang service contract aniya ay exploration at pre-development lamang at maraming proyekto ang hindi natutuloy dahil sa lupa, koneksyon sa grid, at feasibility — at sagot ng investor ang gastos at obligasyon kapag hindi natuloy.
Kinuwestiyon niya kung paanong magiging plunder o graft ang hindi pagtuloy ng pribadong proyekto.
Mariin din niyang itinanggi na may kinalaman si Legarda sa negosyo ng anak. Hindi umano nakialam ang Senadora sa pamamahala ng mga kumpanya ni Leviste at hindi ginamit ang puwesto para isulong ang negosyo nito.
“There’s nothing in the charges of the Ombudsman na kasama si Senator Loren Legarda. So, yun, bakit siya nakasama?” tanong ni La Viña.
Aniya, hindi sapat na anak niya si Leviste para idawit siya sa transaksyon ng mga kumpanya nito. Hindi aniya makatarungan na isailalim si Legarda sa mabibigat na paratang nang walang ebidensyang nag-uugnay sa kanya.
Kinumpirma rin niyang nakapagpasa na ng counter-affidavit sina Legarda at Leviste sa takdang panahon, taliwas sa sinasabing na-delay ang mga ito.
Dapat anyang resolbahin ito sa legal na proseso at suriin batay sa dokumento at tunay na responsibilidad ng bawat partido.
“For those na hindi naniniwala o skeptical, I ask lang for an open mind, di ba? Humingi naman kayo ng resibo. Kami, may resibo kami,” pagtatapos ni La Viña. Ernie Reyes