Home NATIONWIDE Dizon posibleng sumabit sa cover-up ng anomalya sa Taguig projects – Lacson

Dizon posibleng sumabit sa cover-up ng anomalya sa Taguig projects – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio “Vince” Dizon na maaaring maharap sa posibleng criminal liability ang sinumang sangkot sa pagtatakip sa mga anomalya sa mga infrastructure project sa Taguig City.

Ani Lacson, mas mabuting magsabi ng totoo si Dizon tungkol sa mga natuklasan mismo ng mga inspection team ng DPWH sa Taguig, kabilang ang isang slope protection project sa kahabaan ng Taguig River na ang mga litrato sa billing ay may geotagged coordinates na tumutukoy sa Leyte.

“Sinabi ko sa kanya, huwag nyo na itanggi ito kasi nai-submit ko na rin ito sa Ombudsman. Nasa Ombudsman na yan. Mapapahamak kayo pagka nagtakip pa kayo diyan. Magpakatotoo na lang tayo pare-pareho,” ani Lacson sa panayam sa DZBB radio.

Sinabi ni Lacson na tinawagan siya ni Dizon nitong weekend matapos niyang ilahad ang mga detalye ng “Slope Protection along Taguig River Project,” na ang mga geotagged photo na kalakip ng billing reports ay may coordinates na tumutukoy sa Tacloban City, Leyte, na may layong humigit-kumulang 600 kilometro mula sa Taguig.

Ayon kay Lacson, tatlong lokasyon sa Tacloban City ang makikita sa geotagged photographs ng proyekto na may Contract ID 220B0106. Batay sa mga rekord, P96.5 milyon ang ibinayad ng DPWH para sa proyekto sa St. Timothy Construction Corp., na ayon kay Lacson ay pag-aari ng pamilya Discaya.

Diin ni Lacson, bagama’t hindi isolated ang proyektong ito, ito ang pinaka-“brazen” dahil marami ring ibang kwestyonable at suspected na ghost projects sa Taguig, base sa mga site inspection reports galing sa DPWH.

“Yan lang ang hinighlight ko kasi masyadong brazen, kasi (ang photos nakaturo sa lugar na) 600 km away,” aniya.

Dagdag pa ni Lacson, bagama’t hindi pa nila kinokonsiderang ghost projects ang mga na-flag na proyekto, hindi rin tama na sabihing walang ghost projects sa Taguig batay sa mga sagot nina Dizon at Undersecretary Ricardo Bernabe III sa mga tanong ni Sen. Alan Peter Cayetano sa pagdinig noong nakaraang Biyernes ukol sa panukalang 2027 budget ng DPWH.

“Hindi natin kino-conclude na ghost ito pero hindi rin nating pwedeng conclude na walang ghost sa Taguig. Isa lang yan. May project na verify nila, hindi nila makita ang proyekto kasi wala sa site, hindi na ma-establish kasi natakpan ng panibagong proyekto,” aniya.

Sinabi ni Lacson na “very apologetic” si Dizon sa kanilang pag-uusap at sinabing na-“set up” siya nang sabihin nito sa mga senador noong nakaraang Biyernes sa Senate finance subcommittee hearing sa panukalang 2027 budget ng DPWH na walang ghost projects sa Taguig.

Bilang tugon, ipinadala ni Lacson kay Dizon ang video recording ng bahagi ng hearing kung saan sinabi ni Dizon na walang ghost projects, na sinundan naman ng pahayag ni Undersecretary Bernabe na lahat ng 107 proyekto sa Taguig ay “may accomplishments.”

Sinabi ni Lacson na ipinaalam din sa kanya nitong Linggo na isang media outfit na nagtangkang mag-verify ng mga rekord tungkol sa Taguig slope protection project sa website ng DPWH ay nakitang pansamantalang hindi available ang site.

Matapos nito, aniya, nagbabala siya kay Dizon laban sa anumang pagtatangkang magtakip sa mga nasabing discrepancy.

“Sabi ko mag-ingat kayo dito. Pag nagko-cover up kayo magiging criminally liable kayo. At the very least, pwede kayong maging accessory after the fact kasi coverup,” aniya.

Sinabi ni Lacson na lalong nakababahala ang isyu dahil mismong mga inspection team ng DPWH ang nakakita ng red flags sa 68 proyekto sa Taguig.

Ayon sa kanya, limang DPWH team na binubuo ng mga tauhan mula sa Bureau of Quality and Safety, Bureau of Construction, Bureau of Research and Standards, at Bureau of Maintenance ang ipinadala sa Taguig noong Hulyo 23 hanggang 25 upang magsagawa ng inspeksyon sa mga proyekto roon.

Sinabi ni Lacson na isa lamang sa mga natuklasan sa mga inspeksyong ito ang Taguig project na may geotagged photographs sa Leyte.

Binanggit din niya na nalaman niya nitong nakaraang Biyernes mula kay Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na nagtungo si Dizon sa tanggapan ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Senado bago magsimula ang DPWH budget subcommittee hearing.

Abala noon si Lacson sa Commission on Appointments (CA), kung saan pinamumunuan niya ang hearing ng Committee on Foreign Relations, at kinailangan niyang bumalik doon bago magsimula ang DPWH hearing.

“Tinanong ko si Sen JV, nasaan si Sec. Vince. Nandoon daw sa office ni Sen. Cayetano, naguusap sila,” ani Lacson.

Sinabi ni Lacson na hindi niya inaasahan ang categorical denial ni Dizon tungkol sa mga ghost project sa Taguig, kaya kinailangan niyang ipagtanggol ang kanyang posisyon matapos makatanggap ng mga rekord mula sa DPWH.

Sinabi niyang hindi niya maaaring tanggapin ang pahayag ni Dizon na walang ghost projects “as of now,” dahil ang mga inspection report mismo ng DPWH ay may petsang Hulyo 23 hanggang 25.

“So ako naawa sa engineers nila. Kinontradict kayo ng sarili ninyong boss sa trabaho ninyo. Noong tumawag si Sec. Vince sabi niya, Sen. Ping, nagulat ako sa Taguig na napunta sa Tacloban. Sabi ko, nandiyan sa report nyo eh,” aniya.

Ani Lacson, naisumite na sa Office of the Ombudsman ang mga rekord kaugnay ng Taguig project.

Dagdag niya, ipagpapatuloy niya at ng kanyang staff ang pagbusisi sa iba pang iregularidad sa mga flood control at infrastructure project, kabilang ang mga proyekto sa Taguig.

Sinabi rin niyang sinusuri nila ang mga posibleng ghost project na tinakpan umano ng mga bagong proyekto sa parehong lugar.

Sinusuri rin nila ang tinatawag niyang “projects for hire,” kung saan ang winning bidder ay umano’y nagpapagawa ng proyekto sa ibang contractor kapalit ng royalty.

“Ako naman, siguro naman na-establish ko ang aking credibility. Di ako nagsasalita nang walang resibo. Napaka-mindful ko pagdating sa fact-checking. Ayokong na-fact check ako at napapahiya ako. Di ako mag-e-expose nang di kumpleto ang resibo,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here