Home METRO Flammable cargo, posibleng pinagmulan ng sunog sa MV June Aster

Flammable cargo, posibleng pinagmulan ng sunog sa MV June Aster

1
0

PALAWAN, Philippines – Natapos na ng Enforcement Service ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang imbestigasyon sa sunog na tumupok sa pampasaherong barkong MV June Aster noong Setyembre at ikinasawi ng 77 katao.

Ayon kay MARINA Region IV Regional Director Maximo Bañares Jr., lumalabas sa imbestigasyon na posibleng nagmula ang sunog sa flammable cargo at maling stowage o pagkakalagay ng mga karga.

Tumanggi si Bañares na tukuyin ang partikular na flammable cargo na umano’y karga ng barko. Aniya, maaaring maraming flammable cargo sa loob ng barko at posibleng mali ang pagkaka-stow ng mga ito.

Binigyang-diin niya na dapat maayos ang stowage at handling ng flammable cargo at hindi ito dapat isinasama sa mga pasahero.

“May proper stowage po ’yan pag karga ng mga flammable, may proper handling po ’yan. At tama ka po, hindi po dapat isama ’yan sa mga pasahero po ng tao,” dagdag niya.

Inaasahang ilalabas ng MARINA sa mga susunod na araw ang resulta ng imbestigasyon. Hiwalay ito sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police.

Samantala, nagpulong na ang Atienza Interisland Ferries Inc., Insurance Commission, at MARINA kasama ang mga pamilya ng mga biktima para sa settlement assistance. Makakatanggap ng P50,000 ang bawat sugatan at survivor, habang P250,000 naman ang bawat nasawi.

“Naka-ready na po ang mga tseke, for pick-up na po ’yan,” ani Bañares.

Umabot sa 77 ang nasawi sa trahedya, 71 dito ang hindi pa nakikilala, habang walong katao naman ang nananatiling nawawala at patuloy na hinahanap. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here