Home NATIONWIDE Province-by-Province El Niño Plan, ipinalalatag ni Pangilinan sa DA

Province-by-Province El Niño Plan, ipinalalatag ni Pangilinan sa DA

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga ahensya ng gobyerno na agad maglabas ng province-by-province na plano para sa paghahanda sa paparating na “Super El Niño,” para hindi na maabutan ng matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig ang mga magsasaka, mangingisda, at pamilyang Pilipino.

Sa kanyang pahayag kamakailan, hinimok ni Pangilinan ang Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), PAGASA, at mga lokal na pamahalaan na isalin sa konkretong aksyon sa bawat lalawigan ang mga national preparedness efforts.

“May babala na tayo. Dapat ngayon pa lang naghahanda na tayo, hindi kung kelan tuyo na ang bukid at wala nang mahuling isda saka tayo kikilos,” ani Pangilinan na siya ring Chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Binanggit ng senador ang ulat ng DOST-PAGASA na nananatiling “Very Strong” ang El Niño sa bansa mula Setyembre hanggang Disyembre 2026 at inaasahang magpapatuloy pa hanggang unang bahagi ng 2027.

Nagbabala ang PAGASA ng mas mataas na panganib ng agricultural dry spells, tagtuyot, stress sa water supply, at banta sa food security.

“Hindi natin kayang pigilan ang El Niño pero kaya nating bawasan ang epekto nito sa ating mga magsasaka, mangingisda, at mamimili. Dapat nating maunahan ang problema, tutal tayo sa gobyerno ang may kapangyarihan para maibsan ang dadanasin na hirap ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ayon kay Pangilinan, dapat tukuyin sa bawat lalawigan ang mga at-risk na lugar, available na tubig sa irigasyon, mga pananim na naka-tanim na, at mga komunidad ng mangingisda at aquaculture na maaaring maapektuhan. Dapat din nakalista kung sino ang mga opisyal na sasagot at anong tulong ang ibibigay bago pa mangyari ang malaking pinsala.

Hiniling din niya sa DA at NIA na pabilisin ang repair at rehabilitation ng mga irrigation system lalo na sa mga lugar na madalas maapektuhan ng tagtuyot. Kailangan din aniya ang agarang pamamahagi ng drought-tolerant seeds at iba pang agricultural inputs, pati na rin ang pagtukoy ng reliable na water sources.

Para hindi na madagdagan ang utang ng mga magsasaka at mangingisda, dapat aniya may rapid crop-loss assessment, abot-kayang credit, insurance support, at recovery assistance ang gobyerno.

“Sa mga ganitong pagkakataon, dapat ang gobyerno ang maging sandalan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi sana sila umasa sa mga loan shark na magsasamantala at aabusuhin ang kanilang pangangailangan,” diin ng senador.

Nanawagan din si Pangilinan na magtayo ng public dashboard para sa El Niño preparedness. Dito ay regular na i-uupdate ang drought risk, availability ng tubig, status ng irigasyon, mga apektadong lugar, mga interbensyon ng gobyerno, at mga naitalang losses.

Layunin nito na mabantayan ng national agencies, LGUs, at mga samahan ng magsasaka at mangingisda kung umaabot ba talaga ang tulong sa mga nangangailangan.

Sinuportahan din niya ang panawagan na i-reactivate ang Presidential Task Force on El Niño at sinabing maaaring magsagawa rin ang Senado ng oversight hearing para suriin ang kahandaan ng pamahalaan.

“Kapag pinabayaan natin ang ating mga food producers, sapul na naman ang presyo at supply ng pagkain. Mas lalong mahal na bilihin na naman ang haharapin ng ating mga kapwa, kaya ngayon pa lang, dapat kumikilos na ang national government at mga LGUs,” pagtatapos ni Pangilinan.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here