Home METRO Suspek sa carnapping, pamamaril sa Kapitan ng barangay sa Cotabato, arestado

Suspek sa carnapping, pamamaril sa Kapitan ng barangay sa Cotabato, arestado

2
0

COTABATO CITY, Philippines – Arestado nitong Biyernes ang isa sa mga suspek sa carnapping at pamamaril sa isang barangay chairperson sa Cotabato City, ayon sa pulisya.

Kinilala ni Cotabato City police director Colonel Jibin Bongcayao ang suspek na alyas “Fahd,” na umano’y kabilang sa armadong grupong nang-carnap ng motorsiklo sa Barangay Tamontaka Mother dakong alas-6 ng gabi noong Setyembre 24.

Ayon kay Bongcayao, pinaputukan ng mga suspek si Datu Mohammad Ali Zawawi Sema, chairperson ng Barangay Tamontaka Mother, habang hinahanap nito at ng mga barangay tanod ang ninakaw na motorsiklo.

Sinubukan ng grupo ni Sema na harangin ang isang minivan at motorsiklo, ngunit pinaputukan sila ng mga suspek habang tumatakas. Tinamaan sa leeg si Sema at kasalukuyang nagpapagaling sa isang pribadong ospital. Anak siya ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Muslimin Sema at dating Maguindanao Rep. Bai Sandra Sema.

Arestado si Fahd ng magkasanib na puwersa ng Cotabato City police at Pahamuddin Municipal Police Office sa Barangay Datu Mantil, Pahamuddin, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Narekober mula sa suspek ang ninakaw na motorsiklo, habang natagpuan naman ang minivan na abandonado sa Barangay Tambak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Nahaharap si Fahd sa mga kasong frustrated murder at carnapping. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here