MANILA, Philippines – Patay ang isang 34-anyos na club DJ matapos pagbabarilin sa Barangay Pamplona Uno, Las Piñas City noong Miyerkoles ng gabi.
Base sa imbestigasyon, nasa loob ng kanyang pickup ang biktima sa isang gasolinahan bandang alas-10 ng gabi nang dumating ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo. Bumaba ang backrider at binaril ang biktima sa malapitan bago tumakas.
Bumulusok ang pickup ng biktima sa pader ng gasolinahan. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pulisya, tinitingnan ang posibilidad na may kinalaman sa droga ang krimen matapos makuha ang ilang sachet ng hinihinalang ilegal na droga sa kamay at bag ng biktima. Ayon sa ina ng biktima, kakauwi lamang nito mula Malaysia at wala siyang ideya kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon at hot pursuit operations ng mga awtoridad. RNT