Home HOME BANNER STORY DMW: 20 Pinoy crew sakay ng barkong may kargang ‘cocaine’ sa SoKor

DMW: 20 Pinoy crew sakay ng barkong may kargang ‘cocaine’ sa SoKor

MANILA, Philippines-Pinamamahalaan ng 20 Filipino seafarers ang cargo vessel na nahuli sa South Korea na may dalang tone-toneladang hinihinalang cocaine, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, maging ang kapitan ng barko ay isang Filipino ngunit patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kanilang pagkakasangkot sa insidente na kinokonsiderang pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng South Korea.

Sinabi rin ni Cacdac na iniimbestigahan na rin ang mga detalye, kung meron mang kasamang mga tripulantr at kung ano ang mga lokasyon at pagkakasangkot ng bawat tripulanteng sakay nito.

Iniulat na natagpuan ang mga cocaine sa engine room.

Sa ngayon, tinutulungan na ng abogado na ibinigay ng shipowner ang mga crew members pero magbibigay din ang gobyerno ng Pilipinas ng abogado sa loob ng dalawang linggo.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa pamilya ng mga crew at pagpapadala ng kanilang abogado.

Sa ulat, mahigit 50 kahon ng umano’y cocaine na tumitimbang ng dalawang tonelada ang natagpuan ng South Korean authorities sa tagong compartment sa engine room ng M/V Lunita.

Nagmula naman ang impormasyon kaugnay sa kontrabando mula sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) at Homeland Security Investigations.

Ayon sa awtoridad, ang Norwegian-flagged cargo vessel ay mula sa Mexico at patungong Ecuador, Panama at China bago ito mag-dock sa South Korea.

Kinumpirma ng shipping company na J.J Ugland Companies na pag-aari nila ang barko na sangkot sa malaking drug bust.

Sinabi rin ng kompanya na ang mga crew na sakay ng barko ay mula sa Pilipinas.

“[I]t is unclear how the drugs came aboard our vessel. We are working with relevant authorities to assist in the investigation, both in South Korea and in other affected jurisdictions,” ayon sa pahayag ng shipping company. Jocelyn Tabangcura-Domenden