Home HOME BANNER STORY DMW: 23 Pinoy seafarers ligtas sa panibagong pag-atake ng Houthi

DMW: 23 Pinoy seafarers ligtas sa panibagong pag-atake ng Houthi

MANILA, Philippines- Ligtas ang lahat ng 23 Filipino seafarers ng panibagong insidente ng pag-atake ng Houthi rebels sa Red Sea.

Sa press briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, tatlong beses binomba ng missile ang Greek-owned MT Sounion, na pinangangasiwaan ng Delta Tankers.

Sila ay naglalayag sa Red Sea, bahagi ng Yemen nitong Agosto 21 habang patungong Africa nang bombahin ng Houthi forces.

Tinamaan ang engine ng barko kaya hindi na ito nakapagpatuloy sa paglalayag.

Ayon kay Cacdac, mayroon namang sapat na suplay ang mga marino sa barko at mayroon na ring security forces sa lugar.

Dagdag pa ni Cacdac, mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang DMW sa manning agency at ship owner gayundin sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ng kalihim na nakausap din niya ang isa sa mga crew at hinihiling lamang nila na sila ay masagip.

Wala namang nasaktan na crew sa missile attacks.

Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na ginagawa na nila ang lahat upang mailigtas ang 23 Filipino seafarers ng MT Sounion at kanilang repatriation.

Sa kanilang pagdating sa bansa, sila naman ay pagkakalooban ng P75,000 financial assistance bukod pa sa ibinigay ng ilang ahensya tulad ng OWWA. Jocelyn Tabangcura-Domenden