MANILA, Philippines – Hihingi ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Justice (DOJ) para matukoy at makapaghain ng nararapat na reklamo laban sa mga recruiter ng mga Filpino na kabilang sa 800 indibidwal na inaresto sa Laos dahil sa cyber scam network.
Sa news forum nitong Sabado, Agosto 24, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na ikinokonsidera niyang ang mga Filipino na naaresto sa Laos ay “victims of illegal recruitment and human trafficking.”
“This appears to be related to a cyber scam operation but we shall await further details on this. And once again, based on the presidential directive, post-arrival assistance is ready. DMW-OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) stands ready to help. DMW particularly stands ready to help upon arrival,” ani Cacdac.
Sa oras na dumating ang mga Pinoy mula Laos, sinabi ni Cacdac na “we will get the statements of the victims para ma-pinpoint sino nag-recruit sa kanila dito sa kanila sa Pilipinas.”
“We will work with the DOJ in terms of filing the necessary charges,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ng DMW chief na nakikipagtulungan din sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa kaso ng mga Filipino sa Laos dahil sa kawalan ng migrant workers office sa Lao People’s Democratic Republic (PDR).
Saad sa pahayag ng DFA, nagaganap ang crackdown sa mga illegal na kompanya sa loob ng Golden Triangle Special Economic Zone sa Bokeo Province.
Ang Golden Triangle Special Economic Zone (SEZ) sa Bokeo na may mga Chinese-owned casinos at hotels, ay pinaniniwalaang lungga ng mga illegal na aktibidad sa bansa.
Nasa kabuuang 771 katao ang na-detain, karamihan ay mula sa Laos, Myanmar at China.
Mayroon ding mula sa Burundi, Colombia, Ethiopia, Georgia, India, Indonesia, Mozambique, Tunisia, Pilipinas, Uganda at Vietnam.
Samantala, nagbabala si Cacdac sa publiko na huwag magpabiktima sa mga hindi lisensyadong recruiter na naghihikayat sa mga Filipino na magtrabaho sa mga bansa sa Southeast Asia gaya ng Laos.
“Huwag pong pumatol kapag walang work visa at kontrata na dumaan sa DMW at iyong mismong documentation; iyong clearance dapat mayroon kayong hawak na clearance mula sa DMW,” babala ni Cacdac.
“Madalas kasi since Laos ito, remember na ASEAN country so based on the visa-free arrangement, napapainan sila noong walang visa but this is ASEAN so that means iyong visa-free arrangement only pertains to tourists,” dagdag pa niya.
Sinuman na aalis ng bansa para magtrabaho sa ASEAN nation ay dapat na mayroong work visa. RNT/JGC