Home NATIONWIDE DMW: Mga Pinoy ligtas sa Taiwan quakes

DMW: Mga Pinoy ligtas sa Taiwan quakes

MANILA, Philippines- Walang overseas Filipino worker (OFW) ang nasugatan kasunod ng serye ng mga lindol na tumama sa Taiwan noong Martes ng umaga, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) base sa inisyal na ulat.

Sinabi ng DMW na inalerto nito ang kanilang Migrant Workers Offices (MWOs) sa Taiwan matapos ang magnitude 6.0 at 6.3 na lindol na yumanig sa Hualien County sa silangang Taiwan alas-2:26 ng umaga at alas- 2:32 ng umaga.

“Initial reports from Filipino communities and leaders in Hualien County says MWO-Taipei indicate no overseas Filipino workers injured,” ayon sa ahensya.

Sinabi rin ng DMW na nakipag-ugnayan na rin ang MWOs sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) upang maabot ang iba pang Filipino communities, local authorities, employers at trade associations upang malaman ang estado ng OFWs.

Sinabi ni MECO chairman Silvestre Bello III na mayroong halos 200,000 Filipino sa Taiwan, habang nasa 1,400 Filipino ang partikular sa Hualien.

Sanay na rin aniya sila sa mga lindol na kadalasang nangyayari sa Taiwan.

“Hindi gaano kalakas [ang lindol]. Ang pinakalamakas ay [magnitude] 6.5 sa Hualien County… Sa ibang parte, ang maximum, [magnitude] 5.0,” sabi ni Bello sa Super Radyo dzBB .

Noong Abril 3, tumama ang 7.2 magnitude earthquake kung saan 15 OFWs ang sugatan.

Sinabi ng DMW na lahat ng 15 Filipino ay nakatanggap ng medical treatment at nakalabas na ng ospital. Jocelyn Tabangcura-Domenden