MANILA, Philippines- Agad pinairal ng Department of Migrant Workers (DMW) ang “round-the-clock” psychosocial counseling service para sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Danmark Masongsong at kanyang pamilya, kasunod ng insidente sa NAIA noong weekend bago sana siya magtungo sa ibang bansa upang magtrabaho.
Noong Linggo, inararo ng isang SUV ang departure area sa Terminal 1, nagresulta sa pagkasawi ng dalawang indibidwal, kabilang ang 4-anyos na anak na babae ni Masongsong na si Malia.
Bilang tugon sa insidente, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing prayoridad ang physical at mental health ng apektadong OFWs. Ipinaliwanag ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na nag-assign ng team ng mga nurse at social workers upang magbigay ng psychosocial counseling. “We have surrounded Mr. Masongsong and his family with professionals ready to assist them 24/7—not only in addressing their mental health needs during this critical period but also for any other support they might request,” anang opisyal.
Dumalaw din ang mga tauhan ng DMW at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa burol upang ipaabot ang kanilang tulong. Nabatid na bibigyan ng tulong pinansyal si Masongsong at kanyang asawa– dating OFWs na nagtrabaho sa Taiwan.
“We will provide financial assistance when the time is right, both for him and for his wife,” ani Cacdac. RNT/SA