Home NATIONWIDE DMW nangakong aayuda sa pamilya ng marinong nawawala sa Strait of Hormuz

DMW nangakong aayuda sa pamilya ng marinong nawawala sa Strait of Hormuz

178
0

MANILA, Philippines — Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) ng buong suporta sa pamilya ng isang Pilipinong seafarer na iniulat na nawawala matapos tamaan ng missile ang isang tugboat sa Strait of Hormuz.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nakipag-ugnayan na ang ahensya sa pamilya ng seafarer.

“Our team a few days ago had already visited the family’s home and assured them of our full support during these difficult times while we await the results of the search and rescue at sea,” ani Cacdac.

Ayon sa mga ulat, sakay ang nawawalang Pilipino sa UAE-registered tugboat na Musaffah 2, na ipinadala upang tulungan ang Malta-flagged container ship Safeen Prestige na na-stranded malapit sa Strait of Hormuz noong Marso 6 matapos tamaan ng missile dalawang araw bago nito.

Ang tugboat ay tinamaan umano ng hindi bababa sa dalawang projectile, nasunog, at kalaunan ay lumubog.

Sinabi ni Cacdac na ligtas ang mga crew ng distressed vessel, ngunit isang Pilipinong crew member mula sa assisting tugboat ang naiulat na nawawala.

Ayon sa DMW, na-monitor na nila ang humigit-kumulang 6,400 Pilipinong seafarer na sakay ng mga barko sa rehiyon at lahat ay nakumpirmang ligtas.

Patuloy din aniyang mino-monitor ng ahensya ang mga barkong may sakay na Pilipinong crew malapit sa Strait of Hormuz.

Noong Linggo, naglabas si Cacdac ng DMW Advisory No. 11, series of 2026, alinsunod sa Warlike Operations Area Committee (WOAC) ng International Bargaining Forum (IBF) na nagdeklara sa Persian Gulf, Strait of Hormuz, at Gulf of Oman bilang “Warlike Operations Areas.”

Sa ilalim ng advisory, pinaalalahanan ang mga Pilipinong seafarer sa kanilang karapatang tumangging bumiyahe sa mga lugar na itinuturing na high-risk o war-like areas.

Inaatasan din ang mga shipowner na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad at magbigay ng tamang kompensasyon at benepisyo para sa mga crew na nagtatrabaho sa mga lugar na apektado ng sigalot.

Nauna nang kinondena ni International Maritime Organization Secretary General Arsenio Dominguez ang pag-atake at tinawag itong “unacceptable and unsustainable.”

“All parties and stakeholders have an obligation to take necessary measures to ensure the protection of seafarers, including their rights and well-being, and the freedom of navigation, in accordance with international law,” ani Dominguez.

Dagdag niya, nasa 20,000 seafarers ang nananatiling stranded sa Persian Gulf, “on board ships under heightened risk and considerable mental strain.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here