NEW YORK CITY — Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Portugal upang mapadali ang posibleng pagbabalik sa bansa ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa The Pierre A Taj Hotel bago bumalik sa Maynila, sinabi ni Marcos na kinakailangan ang kooperasyon ng bansang kinaroroonan ni Co dahil hindi maaaring magsagawa ng pag-aresto ang mga awtoridad ng Pilipinas sa labas ng kanilang hurisdiksyon.
“You cannot bring him home because that is not the way it works. We have to ask the assistance of the country where he is in, which is presently Portugal. So, that’s what we have done,” ani Marcos.
Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi maaaring magpadala ang Pilipinas ng sariling mga pulis sa ibang bansa upang arestuhin ang isang indibidwal.
“That’s the process. You do not send your own police to go and pick him up kasi wala namang jurisdiction ang pulis doon sa ibang bansa (because our police officers have no jurisdiction over other countries),” aniya.
“So, they cannot arrest anyone. So, it will have to be the assistance of the hosting country,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Marcos, naghain na rin ang pamahalaan ng kahilingan para sa Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang matunton ang galaw ni Co.
Ang Red Notice ay kahilingan sa mga law enforcement agencies sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na aksyon, batay sa arrest warrant o utos ng hukuman mula sa bansang humihiling.
Si Co, na isa sa mga pangunahing personalidad na umano’y sangkot sa anomalya sa flood control projects, ay pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal.
Kanselado na ang kanyang Philippine passport, ngunit ayon sa mga ulat ay maaaring mayroon siyang Portuguese passport na nakuha ilang taon na ang nakalipas, na maaaring nagpapahintulot sa kanyang manatili sa Portugal. Kris Jose