MANILA, Philippines- Sinisikap na ng gobyerno ng Pilipinas na maibalik ang mahigit 70 Pilipino na kabilang sa halos 800 na naaresto sa isang cyber scam network sa Laos, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Biyernes.
Inihayag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na pinapadali ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation habang nakatakdang magbigay ng tulong ang DMW sa concerned Filipinos pagdating nila sa Pilipinas.
Kaugnay ng insidente, pinayuhan ni DMW Secretary Hans Cacdac ang lahat ng Filipino job applicants na siguruhing mayroon silang work visa maging kontrata na sinuri ng DMW at sila ay nakikilahok sa lisensyadong recruitment agency.
Inaresto ng mga awtoridad sa Laos ang halos 800 indibidwal na nagtatrabaho sa isang cyber scam network sa “special economic zone” sa hangganan ng Myanmar at Thailand, ayon sa local media.
Matatagpuan sa lalawigan ng Bokeo, ang Golden Triangle Special Economic Zone (SEZ) na may mga casino at hotel na pag-aari ng mga Chinese ay pinaghihinalaang hub para sa ilegal na aktibidad nitong mga nakaraang taon, iniulat ng Agence France-Presse.
May kabuuang 771 katao ang nakakulong na karamihan ay mula sa Laos, Myanmar at China. Ilan sa kanila ay mula sa Burundi, Colombia, Ethiopia, Georgia, India, Indonesia, Mozambique, Tunisia, Pilipinas, Uganda at Vietnam.
Ang pagbuwag ay bahagi ng mas malaking pagsisikap na puksain ang mga transnational na krimen sa loob ng SEZ, ayon sa ulat. Jocelyn Tabangcura-Domenden