MANILA, Philippines – Hindi tumugma ang DNA ng tatlong bangkay na nahukay sa sementeryo sa Laurel, Batangas sa 23 DNA samples mula sa mga kaanak ng nawawalang sabungero, ayon sa Philippine National Police nitong Huwebes.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, dalawang lalaki at isang babae ang tatlong bangkay na narekober. Inilibing umano ang mga ito tatlong taon na ang nakararaan, ayon sa sepulturero, dahil wala itong pagkakakilanlan at lubha nang naaagnas.
May mga tama ng bala ang mga bangkay, kaya hinihinalang biktima ang mga ito ng salvage.
Nanawagan si Fajardo sa iba pang kaanak ng nawawalang sabungero na magbigay ng kanilang DNA samples upang makumpara sa nakuhang DNA mula sa mga labi.
“Kung makikilala po nila ang suot ng mga bangkay, maaari silang makipag-ugnayan sa amin upang madala sa forensic group para makuha ang DNA,” ani Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo, walang nakuhang DNA mula sa mga buto na nakuha sa Taal Lake dahil sa matagal na pagkakababad sa tubig at kontaminasyon.
Aabot sa 34 ang opisyal na bilang ng mga nawawalang sabungero mula 2021, ngunit ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, posibleng umabot sa 100 ang pinaslang at itinapon sa lawa. Santi Celario