Home NATIONWIDE DOE lumikha ng nuclear energy division

DOE lumikha ng nuclear energy division

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang paglikha ng isang ‘division’ o sangay na may atas na bumalangkas ng mga plano at polisiya para sa posibleng pagpasok sa nuclear power generation.

Sa isang kalatas, sinabi ng DOE na ang paglikha ng Nuclear Energy Division ay aprubado ng Department of Budget and Management (DBM) noong Mayo 16.

Tinukoy ng departamento ang sinabi ng DBM na ang pagtatatag sa Nuclear Energy Division ay alinsunod sa Executive Order (EO) No. 116 na may petsang July 24, 2022, EO No. 164 na may petsang February 28, 2022, at House Resolution No. 134 na may petsang August 8, 2023, kung saan hinikayat ang DOE na lumikha ng Office of Nuclear Energy na may plantilla positions na hindi bababa sa 10 tauhan na magpo-promote, magbabalangkas at magpapatupad ng mga plano at programa para isulong ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.

Ang Nuclear Energy Division ay isasailalim sa Energy Utilization Management Bureau (EIMB), sa pamumuno ni Director Patrick Aquino.

Ang nuclear energy group ay mag re-report nang direkta kay Undersecretary Sharon Garin.

Nahahati ang Nuclear Energy Division sa dalawang seksyon, ang Resource Planning, Development, and Evaluation Section at ang Resource Utilization and Monitoring Section.

Ang Resource Planning, Development, and Evaluation Section ay may atas na:

  • bumalangkas, mag-develop, at magpatupad ng framework, mga plano, estratehiya, at mga programa sa development at expansion, isinasaalang-alang ang Milestone Approach sa Nuclear Energy

  • makipag-ugnayan sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno para magtatag ng “harmonized roadmap, policies, at panukalang batas” para saklawin t pagtagumpayan ang 19 Nuclear Infrastructure Issues

  • magsagawa ng seminars, training courses, technical briefings, fora, workshops, focused group discussions para pangasiwaan ang information, education, and communication (IEC) campaigns ukol sa nuclear energy

  • suriin ang mga aplikasyon, permits, at mga lisensya at tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa umiiral na regulasyon at pamantayan sa nuclear energy

  • panatilihin at regular na i-update ang database inventory ng operator-applicants at kalagayan ng ebalwasyon ng aplikasyon

  • pagganap sa ad hoc functions na maaaring italaga

Ang Resource Utilization and Monitoring Section ang siyang magiging ‘in charge’ sa mga sumusunod:

  • magbalangkas, mag- develop at magpatupad ng mga polisiya, plano at programa na gagabay sa paggamit at pagmo-monitor sa nuclear energy.

  • makipag-ugnayan sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan para magtatag at magpatupad ng ‘strategic plans and policies’ para sa paggamit at pagmmonitor ng nuclear energy bilang ‘source’ ng pagbuo ng elektrisidad sa bansa.

  • tiyakin ang implementasyon ng seguridad, kaligtasan at safeguard standards at protocols para sa itinatag na nuclear plants.

  • panatilihin at i-update ang database inventory para sa paggamit at operationalization ng itinatag na nuclear plants.

  • pagganap sa ad hoc functions na maaaring italaga. Kris Jose