Home NATIONWIDE BI nagbabala vs pagbebenta ng pekeng OEC

BI nagbabala vs pagbebenta ng pekeng OEC

MANILA, Philippines- Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga nais maging overseas Filipino worker (OFWs) na huwag bumili ng mga dokumento sa mga social media platform at messaging apps dahil kadalasang peke ang mga ito.

Ayon kay Tansingco, kamakailan lamang ay may hinarang na mga biktimang Pinay ang mga tauhan ng BI na nagpakita ng pekeng Overseas Employment Certificate (OEC) na binili mula sa WhatsApp at Facebook.

Naharang ng mga opisyal ng BI sa Clark International Airport (CIA) noong Mayo 24 ang isang 49-anyos na babaeng biktima na nagtangkang umalis sakay ng flight ng Emirates airlines papuntang United Arab Emirates (UAE) matapos magpakita ng pekeng OEC.

Iniulat ni BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) chief Bienvenido Castillo III ang pagharang kay alyas ‘Valerie’, isang dating OFW na nagsasabing siya ay muling ipinadala sa United Arab Emirates.

Sa pangalawang inspeksyon, inamin niya na ang pekeng OEC ay binili sa pamamagitan ng WhatsApp, at nagbayad siya ng P7,200 na ipinadala niya sa pamamagitan ng money transfer.

Iniulat din ng I-PROBES ng BI ang isa pang interception noong Mayo 26 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Ang biktima, na kinilala lamang sa pangalang ‘Lovely’, 25, ay nagtangkang umalis para magtrabaho sa Kuwait sa pamamagitan ng flight ng Gulf Air.

Unang ipinakita ni ‘Lovely’ ang kanyang naka-print na kopya ng OEC sa mga awtoridad sa imigrasyon, kasama ang kanyang employment contract.

Nakakita ang nagsilbing primary inspection officer ng ilang mga pagkakaiba sa kanyang mga dokumento at ni-refer siya para sa pangalawang inspeksyon. Nalantad sa mga pagpapatunay na nagsumite siya ng pekeng sertipiko ng trabaho. Nakuha umano niya ang employment certificate mula sa isang Facebook account na tinatawag na “OEC Appointment” sa halagang P500.

“We have a data-sharing agreement with the DMW (Department of Migrant Workers), allowing us to instantly check in the database if these certificates are legitimate,” ani Tansingco. 

“Aspiring OFWs should not buy their permits online as this is a scam.  Always ensure that you go through legal means when departing as workers,” dagdag pa ng opisyal.

Nagbabala pa si Tansingco na ang pagbebenta ng mga pekeng dokumento para makatulong sa ilegal na pag-alis ng mga manggagawa ay maaaring ituring na human trafficking.

Ibinahagi ni Tansingco na ang mga detalye ay naipadala na sa IACAT, na mag-uudyok ng imbestigasyon at magsasampa ng kaukulang kaso laban sa pinagmulan ng pekeng dokumento. JAY Reyes